Pulis at kaangkas sa motor, nakuhanan ng droga sa checkpoint

Pulis at kaangkas sa motor, nakuhanan ng droga sa checkpoint

March 21, 2019 @ 4:12 PM 3 years ago


Las Pinas – Arestado sa isang checkpoint ang aktibong pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at ang kasama nitong nakaangkas sa kanyang motorsiklo makaraang makitaan ang mga ito ng tatlong plastic sachets ng shabu kaninang umaga sa Las Pinas City.

Iniharap Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Eliseo Cruz kay NCRPO P/Director Guillermo Eleazar ang inarestong suspect na si PO2 Alijandro Hernandez, nakatalaga sa Regional Personnel Holding Accounting Unit ng (RPHAU-NCRPO) pati ang kasama nitong backrider na si alyas Rey.

Base sa report, nangyari ang pag-aresto kay Hernandez at kasama nito dakong alas-5:30 ng umaga sa Brgy. Almanza Uno, Las Piñas City.

Pinara ng mga tauhan ng Las Piñas City police na nagsasagawa ng checkpoint ang dalawang suspek na nakamotorsiklo dahil walang suot na helmet.

Sa pagsisiyasat ay nakapkapan nila ng tatlong plastic sachets na may hinihinalang shabu at tactical knife si Hernandez, samantalang ang backrider nito ay nakuhanan din ng isang sachet ng shabu.

Ayon kay Cruz, dating nakatalaga si Hernandez sa Manila Police District (MPD) ngunit nasangkot ito sa iligal na droga na naging dahilan upang iwanan ito ng kanyang asawa na isa ring miyembro ng pulisya. (James I. Catapusan)