Nueva Ecija – Kapwa nasawi ang isang aktibong alagad ng pulisya at maging ng kabarilan nitong isang high value target (HVT) sa nangyaring engkuwentro sa Barangay Pias, General Tinio sa Nueva Ecija, Lunes ng gabi.
Hindi na umabot ng buhay sa Medicare Community Hospital habang isinusugod ng kanyang kasamahan si PO1 Mariano Emmanuel Caparas bunsod ng isang tama ng bala ng baril sa kanyang dibdib.
Ayon kay Police Chief Insp. Adriano Gabriel, chief of police ng General Tinio, bago ang naganap na engkuwentro ay isinagawa muna ang isang buy bust operation sa isang high value target sa lugar na nakilala lamang sa alyas “ambet” dakong alas 9:45 ng gabi.
Subalit bago siya arestuhin ay nakatunog na ito na pulis ang kanyang katransaksyon at mabilis na bumunot ng kanyang baril bago ipinutok sa mga operatiba kung saan napuruhan si PO1 Caparas.
Napatay din ang suspek ng mga kasamahan ng biktima.
Nabatid na ang ginamit na baril sa pakikipagsagupaan ng suspek sa mga pulis ay pag-mamay ari ng PNP nang tangayin nito mula sa isang nakaparadang police mobile sa Cabiao, Nueva Ecija noong Hulyo 14.
Samantala, siniguro naman ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na makakatanggap ng lahat ng benipisyo ang naiwang pamilya ni PO1 Caparas.
“The death of PO1 Caparas does not diminish our keen resolve to accomplish the mission against illegal drugs and crime, rather, his heroism inspires us continue the fight with deeper commitment and dedication,” pahayag ni Albayalde.
Nasa kabuuang 87 PNP personnel na ang namamatay bunsod sa pakikipaglaban sa giyera kontra illegal na droga sa bansa. (Jeff Gallos)