Pulis, jail guard pinagbabaril-patay

Pulis, jail guard pinagbabaril-patay

February 20, 2023 @ 9:14 AM 1 month ago


BAYAWAN, Negros Oriental- Patay ang isang pulis at jailguard matapos pagbabarilin ng mga suspek makaraang rumesponde umano ang mga una sa naganap na kaguluhan sa gitna ng pagdaraos ng pista sa nasabing bayan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Patrolman Rhulin Mar Abrasaldo, nakatalaga sa Police Regional Office-7, RMBF 7, 705th MC sa Sitio Nagbagang Santa Catalina at Edwin Laag, 55-anyos, BJMP personnel sa Bayawan BJMP, habang sugatan naman ang isang Wichita Jamin Villuz, 56-anyos.

Batay sa report ng Bayawan Municipal Police Station, dakong alas-7:35 ng gabi nang maganap ang krimen sa Peping Gamo St. Tinago, Bayawan City.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rex Moslares, hepe ng Bayawan City PNP, habang nasa gitna ng pagdaraos ng pista sa lungsod may mga dumating na taong naghahanap kay Jamin.

Dito, bigla na lamang binaril si Jamin at tinamaan sa katawan nagkataon naman na rumesponde sina Abrasaldo at Laag sa nasabing lugar subalit lingid sa kanilang kaalaman na may iba pang kasama ang mga suspek at pinagbabaril ang mga ito.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang dalawa na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan habang isinugod naman sa ospital si Jamin at nilalapatan ng lunas.

Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng kulay dilaw na Yamaha MIO 125 motorcycle.

Matatandaan na noong Agosto 15, 2022, nakaligtas sa kamatayan si Abrasaldo matapos rumesponde sa isang ambushed sa Barangay San Roque, dahil sa presensya ng mga teroristang miyembro ng CPP-NPA na ikinamatay na kasama nitong si PCpl Rey Ambo.

Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang follow-up operation ng mga awtoridad sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico