PULIS, MAY DROGA NA, RAPIST PA

PULIS, MAY DROGA NA, RAPIST PA

March 13, 2023 @ 1:38 PM 2 weeks ago


MABILISANG aksyon ang nararapat sa mga pulis na matatagpuang sangkot sa droga at rapist pa.

Kaugnay ito, mga brad, sa iniulat ni Zamboanga City Police chief P/Col. Alexander Lorenzo, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency, na pag-aresto nila sa tauhan niyang gumawa na mga nabanggit na krimen.

Inaresto nina Lorenzo si M/Sgt. Marlon Dimaisip, hepe ng Police Station 7 Drug Enforcement Team, makaraan itong ireklamo sa panggagahasa sa isang misis ng nahuli nilang suspek sa pagtutulak ng droga.

Kasama rin sa inaresto sa buy-bust operations ang mga asset ni Dimaisip na sina Jonathan Espina, Rodel Julian at Dexter Francisco, pawang nang-rape din sa misis.

Kasabay ng pag-aresto ang pagkakasamsam ng 204 gramo ng shabu kay Dimaisip.

Pahayag ni Col. Lorenzo, bahagi umano ng internal cleansing ang aksyon nila laban kina Dimaisip.

Bigla tuloy nating naalaala ang ilang pulis bago dumating si Mayor Digong sa Malakanyang.

Hinuli ng mga pulis ang isang binata na may kapatid na dalawang magandang kapatid na nursing students.

Nilalakad ng magkapatid na nursing students ang paglaya ng kanilang kapatid na nakakulong, nang maispatan sila ng mga manyak na pulis.

Ginawang pain ng mga pulis ang nakakulong para makipag-sex sa kanila ang nursing students.

Kapalit iyon ng pangakong pagpapalaya ng mga pulis sa nakakulong.

Dahil inosente sa pasikot-sikot ng batas ang nursing students, pumayag ang dalawang babae.

Hindi alam ng dalawang babae na wala na sa kamay ng mga pulis ang pagpapasya sa paglaya ng kanilang kapatid dahil mabilis itong sinampahan ng kaso sa korte.

Habang dinirinig ang kaso, mga brad, patuloy na sinasamantala ng mga pulis ang magkapatid na babae hanggang sa hindi nakapagtapos ang mga ito sa kanilang pag-aaral dahil nabuntis ang mga ito.

Dumiretso naman sa Bilibid ang nahatulang nagkasala nilang kapatid.

Ggrrrrr!!!!