Pulis, militanteng grupo nagkagirian sa protesta kasabay ng tigil-pasada

Pulis, militanteng grupo nagkagirian sa protesta kasabay ng tigil-pasada

March 6, 2023 @ 2:31 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagkagirian ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at militanteng grupo na sumusuporta sa tigil-pasada ng mga tsuper ng Aguajoda na nagsimula ngayong Lunes, Marso 6.

Sa Pedro Gil Agoncillo sa Ermita, Maynila may mga pulis na nakabarikada upang hindi na makalusot pa ang mga militante at mapanatiling maayos ang kilos-protesta kasabay ng tigil pasada.

Paliwanag ng mga pulis, wala silang nilalabag sa karapatan ng mga nagpoprotesta at maari naman aniya silang magsagawa ng protesta sa Liwasang Bonifacio kung saan sila maaring makapagpahayag ng kanilang saloobin.

Ngunit giit ng grupo na dapat sila ang unawain dahil nasa tabi lamang sila ng kalsada at walang inaabala na kahit sino.

Hiling lamang ng grupo sa mga pulis na hayaan silang magsalita at ihayag ang kanilang saloobin at tiniyak na walang mangyayaring kaguluhan.

Samantala, sa bahagi ng CM Recto Avenue ay naharang naman ng mga pulis ang grupong PISTON na nagbalak makalapit sa Mendiola upang magsagawa rin ng maikling programa.

Ngayong araw, Lunes ay nagsimula ang isang linggong tigil pasada ng mga tsuper at operators bilang pagtutol sa modernisasyon ng mga PUV.

Kasama rin sa nagprotesta ang Kilusang Mayo Uno bilang suporta sa tigil pasada ng mga tsuper.

Ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno at LGU ay nagtalaga na ng mga sasakyan para sa Libreng Sakay ng mga maaapektuhan na mga commuters. Jocelyn Tabangcura-Domenden