Pulis na dumalo sa hearing, binaril-patay

Pulis na dumalo sa hearing, binaril-patay

June 20, 2018 @ 2:39 PM 4 years ago


Cebu – Isa na namang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang pinagbabaril ng hindi pa tukoy na lalaki ilang sandali makaraang dumalo sa isang pagdinig na may kaugnayan sa ilegal na droga sa Regional Trial Court (RTC) sa Toledo, Cebu.

Nakilala ang biktima na si PO2 Melchechidek Batomalaque, na agad nasawi sa lugar ng pinangyarihan bunsod ng tig-isang tama ng bala ng baril sa ulo at dibdib.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pasakay na si PO2 Batomalaque sa kanyang motorsiklo sa gilid ng RTC compound nang siya ay lapitan ng armadong lalaki at malapitang pinagbabaril.

Wala naman umanong nakakilala sa suspek na nakasuot ng sumbrero at madilim pa sa bahaging lugar ng insidente.

Napag-alaman sa report na ang biktima ay dating intelligence operative ng Toledo police station at nailipat sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Si PO2 Batomalaque ay nasa Toledo court hearing sa kaso ng illegal drugs ng isang personalidad na kanyang nahuli.

Isa sa mga sinisilip ng mga imbestigador kung ang motibo sa pagpaslang kay PO2 Batomalaque ay ang ginawang pag-aresto nito.

Si PO2 Batomalaque, ay pangatlo na sa mga aktibong pulis na biktima ng pamamaril sa rehiyon ng Visayas. (Jeff Gallos)