PULIS NA GUMAGAMIT NG NAKARNAP LAGOT KAY DANAO

PULIS NA GUMAGAMIT NG NAKARNAP LAGOT KAY DANAO

December 15, 2021 @ 4:38 PM 9 months ago


SERYOSO si National Capital Region Police Office P/MGen, Vicente Danao, Jr. sa kanyang banta sa mga pulis na masisibak nang tuluyan, hindi lamang sa kanilang puwesto, kundi sa kanilang serbisyo sa oras na mahuling gumagamit ng mga na-recover o nakaw na sasakyan.

May nakarating kasing ulat kay Danao na mayroon pa rin daw mga tauhan ng pulisya sa Metro Manila na hindi yata tinatablan ng hiya dahil sinasamantalang gamitin sa kanilang personal na lakad ang nare-recover na carnapped na sasakyan, lalo na kapag de-kalidad o bago pa ang mga ito.

Matatandaan na noong panahon ni Senator Ping Lacson bilang PNP chief, binalaan niya ang mga pulis at opisyal na gumagamit ng mga na-recover na nakaw na sasakyan kaya biglang napuno ang impounding area ng Camp Crame noon sa mga na-recover na carnap vehicle.

Ibig sabihin, nangatog sa takot ang mga kapalmuks na pulis at opisyal sa banta ni Lacson, kaya napilitang dalhin na sa impounding area ang mga sasakyan at mantakin ninyo, karamihan sa mga isinoli ay magagara at puro de-kalidad.

Sa ngayon, malamang na iilang pulis na lang sa Metro Manila ang naglalakas-loob na gumamit ng nabawing magagarang sasakyan dahil kabisado rin nila kung paano magalit si Maj. Gen. Danao.

May mga sitsit kasi na talagang nakatitikim ng bagsik ng kamao ang mga kapalmuks at kawatang lespu sa naturang opisyal lalo na’t ganito ang kanyang banta sa mga ito:” I will personally make sure that police officers found guilty of violating this order shall be dealt with accordingly.”

Naku po!

Alam na ninyong mga pasaway kung anong mangyayari sa inyo kapag nahuli kayong susuway sa utos.

Ang balita, karamihan ngayon sa mga ginagamit na nakaw at nabawing sasakyan ng ilang pulis, ay mga motorsiklo, lalo na ‘yung mga bago at wala pang plaka.

Kaya malamang, ngayong may banta na si Danao, tiyak na mapupuno ng nabawing nakaw na motorsiklo ang impounding area ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City at sa iba pang impounding area ng iba’t ibang distrito ng kapulisan sa Kamaynilaan.

Bukod nga pala sa mga nakaw na sasakyan, binalaan din ni Danao ang mga abusadong pulis na naglalagay at gumagamit ng wang-wang sa kanilang pribadong sasakyan para ipangalandakan ang kanilang kapangyarihan bilang pulis.