Pulis na lider ng KFR, nagparamdam ng pagsuko

Pulis na lider ng KFR, nagparamdam ng pagsuko

August 7, 2018 @ 4:01 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Isang aktibong pulis na sinasabing lider ng kidnap for ransom group ang nagparamdam ng susuko.

Si PO1 Michael Siervo, na itinuturong utak din sa pagdukot sa isang babaeng negosyante sa Laguna ay nakipag-ugnayan na umano sa Laguna police para sa pagsuko nito.

Ayon kay PNP-anti-kidnapping group director Chief supt. Glenn Dumlao, si PO1 Siervo at ilan pang kasamahang pulis ay inakusahang dumukot sa biktima matapos itong madakip sa isang operasyon kontra iligal na droga nitong nakalipas na buwan ng Hulyo.

Batay sa sumbong ng hindi na pinangalanang biktima, dinala umano siya ng grupo ni PO1 Siervo sa isang “safe house” sa bayan ng Bay, Laguna pero agad din umano siyang pinalaya makaraang madiskubre ng pulisya ang kanilang ginawang pagdukot.

Kalaunan ay natunton at sinalakay ng mga operatiba ng PNP-Anti kidnapping Group at Laguna police Special Weapons And Tactics (SWAT) ang pinagkukutaang safe house ng grupo kung saan nasamsam dito ang apat na granada, ilang mahahabang armas, isang baril at ang PNP uniform ni PO1 Siervo.

Ayon pa sa report, ang ilan pang mga pulis na sangkot sa grupo ni PO1 Siervo ay sina PO1 Ronald Carandang at PO2 Jonathan Galang. Si PO1 Carandang ay huling namonitor na nasa Thailand.

Kinukumpirma pa ng PNP-AKG ang impormasyon sa umano’y pagpatay ng grupo sa isa pang pulis na kanilang kasamahan na si PO1 Gerald Galang, dahil umano sa alitan sa ransom money. (Jeff Gallos)