Pulis na lulong sa sabong, nangholdap ng gasolinahan

Pulis na lulong sa sabong, nangholdap ng gasolinahan

December 18, 2022 @ 2:50 PM 2 months ago


BOHOL- NADAKIP ng kanyang mga kabaro ang isang pulis matapos mahuli sa aktong nangholdap ng gasolinahan para umano pangtustos sa kanyang bisyo ng pagsusugal lalo na ang pagsasabong, kahapon sa bayan ng Trinidad.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Police Staff Sergeant Conchito Payac, 33, desk officer ng Dauis Police Station at residente sa Cantam-is Barangay Aguining, Pres. Carlos P. Garcia, probinsya ng Bohol.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joemar Pomarejos, hepe ng Provincial Intelligence Unit-BPPO, dakong 1:00 PM ng madakip ang suspek na hinoholdap ang gasolinahan sa Purok 4, Barangay Poblacion, Trinidad, Bohol.

Sinabi ni Pomarejos, na isinailalim nila sa surveillance si Payac matapos sa sunod-sunod na holdapan sa gasolinahan sa bayan ng Alicia at Duero ng nasabing probinsya noong Dec. 1 at 7, 2022 at pinaniniwalaan si Payac ang pangunahing suspek.

Nakuha sa suspek ang P8,000.00,  inisyu na service firearm nitong 9mm Glock pistol na may magazine, at motorsiklo na walang plate number.

Paniniwala ng pulisya posibleng hindi na nakayanan ng suspek na sustentuhan ang kanyang mga bisyo at maging ang mga alaga niyang panabong na manok.

Nahaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo si Payac at nanganganib na masibak sa serbisyo./Mary Anne Sapico