Pulis na motornapper, arestado

Pulis na motornapper, arestado

August 1, 2018 @ 3:44 PM 4 years ago


 

Mandaue City – Nadakip ang isang aktibong pulis na nakatalaga sa Cebu City Police Office (CCPO) Station 2 makaraang masangkot sa pagnanakaw ng motorsiklo, Miyerkules ng madaling araw sa Mandaue City.

Nakipaghabulan pa umano sa mga kapwa niya pulis si PO2 Argel Abella Fuentes makaraang matuklasan ang ginawa nitong pagnanakaw ng motorsiklo sa bahagi ng Barangay Tiolo.

Base sa report, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima ni Fuentes at sinabing tinutukan umano siya ng baril nito bago tinangay ang kanyang motorsiklo.

Agad nagkasa ng follow up operation ang pulisya at nang makita ang motorsiklong tumugma sa diskripsyon nang biktima, sinabihan nila ang sakay nito na huminto.

Pero pinaharurot pa ni Feuntes ang motorsiklo dahilan para mauwi sa habulan ang insidente.

Nang maharang na ng mga kabaro, wala nang nagawa pa si Fuentes kundi sumuko.

Nabigo si Fuentes na magpakita ng mga dokumento na magpapatunay na pag-aari niya ang motorsiklo kaya agad siyang inaresto.

Iniimbestigahan din ng pulisya ang ulat na sangkot pa si Fuentes sa walong insidente ng robbery sa nasabing lugar. (Jeff Gallos)