Pulis na nakapatay sa traffic enforcer sa QC, sinampahan na ng kaso

Pulis na nakapatay sa traffic enforcer sa QC, sinampahan na ng kaso

October 14, 2022 @ 3:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kasong murder ang kakaharapin ng pulis na namaril at nakapatay sa isang traffic enforcer matapos na mapagkamalan na karnaper Huwebes ng madaling araw, Oktubre 13 sa lungsod ng Quezon.

“Nai-file na ang kaso sa piskalya kagabi, hinihintay natin ang magiging resolusyon ng piskal. Murder ang kinaso natin doon sa pulis,” pahayag ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III.

Paliwanag pa ng Heneral na wala siyang nakikitang katwiran kay PLT. Felixberto Rapana Tiquil, para barilin nito ang biktima na si Edgar Follero.

“Wala akong nakitang justification para gamitan ng baril at patayin ‘yung tao o sugatan lang, hindi sumunod sa police operational procedures para sa paggamit ng baril ni Tiquil,” ayon pa kay Torre.

Si Tiquil na ngayon ay nasa custody ng QCPD ay miyembro ng Manila Police District – Anti-Carnapping Unit (MPD-DACU).

Napag-alaman na si Follero ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at kamay na sanhi ng kanyang kamatayan.

Lumalabas na base na rin sa pahayag ni Tiquil, sinundan umano nito si Follero at si Paul Timothy Delos Reyes habang tinutulak ang nasirang motor mula Maynila hanggang sa lungsod Quezon at pagsapit ng Edsa Muñoz market ay naganap na ang pamamaril.

Ayon kay Torre, nalaman niya mula sa MPD na wala silang operasyon tulad ng naganap na insidente.

Samantala, hustisya naman ang panawagan ng pamilya ni Follero at sinabi ng mga ito na hindi man lang binigyan ng tsansa ng pulis na makapagpaliwanag at basta na lamang itong binaril.

“Wala pong kalaban-laban ‘yung asawa ko. Pinagbabaril siya ng pulis. Hindi po siya binigyan ng pagkakataon para magpaliwanag. Pinagbintangan lang po siya na carnapper,” saad ng asawa ni Follero na si Charilyn Pagsibingan.

“Grabe, basta na lang daw pinaputukan ‘yung anak ko. Walang kaabog-abog. Di ba pulis sila? Dapat manmanan. Pinadapa nila, [pinataas] yung dalawang kamay. Ang hirap, ang sakit,” pahayag naman ng ama ng biktima.

Nagpaabot naman ng pakikidalamhati si Quezon City Mayor Joy Belmonte kasabay ng pangako na mabibigyan ng hustisya ang naturang pangyayari

“On behalf of the entire Quezon City local government, I would like to offer our sincerest and most heartfelt sympathies to the family of our slain traffic enforcer, Edgar Abad Follero,” ayon sa alkalde.

“Before he was killed, Edgar was known to be a helpful, friendly, and dutiful member of the Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS). Indeed, his last minutes were spent assisting someone in need, specifically a delivery rider whose motorcycle had broken down,” dagdag pa ni Belmonte.

Mananatili naman ang pulis sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD sa Kamp Karingal. Jan Sinocruz