KATAKOT-TAKOT NA AWAY SA BAKUNA DAPAT ISANTABI

January 15, 2021 @12:57 PM
Views:
94
KAHIT saan, may mga nag-aaway-away sa bakuna kontra coronavirus disease o COVID-19.
Bawat bansa, may kanya-kanyang katwiran kung ano o ano-ano ang kanilang gagamiting bakuna at kung bakit ayaw nila ang isang bakuna.
Maging sa loob mismo ng mga bansa, may mga nag-aaway-away rin.
Kung tutuusin, nakalilito na ang kalagayan, lalo na sa mga bansang hindi pa napasisimulan ang pagbabakuna gaya ng ating bansa.
BISA AT LIGTAS
Bago natin ipagpatuloy ang lahat ng diskusyon dito, kabilang sa mga pinakamahalagang usapin sa bakuna sa COVID-19 ang kung epektibo at ligtas gamitin.
Ngayon, napakahalagang isipin na bago ang lahat ng bakuna at kinakailangan ang mahabang panahon bago masabi talaga kung mabisa at ligtas ang mga ito at pwedeng gamitin ng lahat ng tao sa lahat ng oras.
Bilang pruweba, mga Bro, sa puntong ito, hindi kaila sa atin ang sumemplang na bakuna sa dengue na Dengvaxia.
Bago nagbakuna ang gobyernong Benigno Aquino III noong unang linggo ng Abril 2016, sinabi ng Sanofi Pasteur na tapos na ang clinical trial sa Dengvaxia sa 10 bansa at sinabing epektibo na, ligtas pa sa panganib ang sinomang matuturukan nito.
Hayun na nga at naging paspasan ang pagbabakuna na umabot sa mahigit 800,000, higit karamihan ay bata sa mga public school mula edad 9.
Dumating ang Disyembre 2017 o anim na buwan makaraang maluklok si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang, anak ng tokwa, umamin na ang Sanofi Pasteur na delikado pala sa sinomang hindi pa nagkaka-dengue ang nasabing bakuna.
Ngayon nga ay sinasabi ng Public Attorney’s Office na pinamumunuan ni Atty. Persida Acosta na nasa 600 na ang namatay sa Dengvaxia at nasa 150 biktima na ang ginawan ng kaso laban sa grupo ni dating Secretary of Health at ngayo’y Congresswoman Janette Garin ng iba’t ibang kaso gaya ng homicide at paglabag sa anti-torture law.
Apektado umano ang 10 porsyento ng mga naturukan at matatapos ang obserbasyon dito sa taong 2022.
Wala kayang magiging Dengvaxia sa mga pinag-aawayang bakuna sa COVID-19 ngayon?
AWAY NG MGA BANSA AT KOMPANYA
Iba’t ibang anyo ang mga awayan ng mga bansa at kompanya ukol sa mga bakuna laban sa COVID-19.
Ang AstraZeneca, halimbawa, na inaprubahan ng United Kingdom bilang bakuna na ginagawa sa UK at nagsimula na ring gawin sa India, ay ayaw gamitin sa Australia dahil mababa umano ang bisa nito na nasa 65 porsyento kumpara sa 90% ng Pfizer na gawa ng Amerikano at Moderna na gawa pa rin ng Amerikano.
Imadyin, ginagawa na ang AstraZeneca mismo sa Australia pero ayaw gamitin ng mga Australiano.
Pero itong bakunang Sinovac ang ngayo’y sentro ng awayan dahil sa magkakaibang bisa nito na lumalabas.
Sa Brazil, sinasabing 50.4 porsyento ang bisa nito samantalang sa Turkey, 91% naman umano at sa Indonesia, 65%.
Sumagot naman mismo ang kompanyang Sinovac sa pagsasabing 100% na nakapipigil ito ng severe na COVID-19 at 79 ang bisa sa mga nangangailangan ng panggagamot samantalang 50% sa mga asymptomatic.
Patunay ng kompanyang Sinovac, may 7 milyon nang nababakunahan mismo sa China ng Sinovac at walang naiuulat na namamatay rito kundi gumaling sa sakit.
Kasama ang Sinovac sa nasa limang bakunang gawang China na ginagamit laban sa pandemya simula pa noong Setyembre 2020 at target na mabakunahan ang 50 milyong Chinese bago mag-Chinese New Year sa Pebrero 12, 2021 bilang panlaban sa posibleng hawaan sanhi ng okasyong ito.
Dahil sa report sa Brazil, may mga bansang gustong malaman ang totoo bago kumuha o bumili ng Sinovac.
Ang gawa naman ng Russia na 95% umanong mabisa ay iniismiran naman ng mga may gawa ng Pfizer at Moderna.
At dinadamay na rin nila ang mga gawang China.
Pero may ikinukubling dahilan ng mga nag-aaway-away na bansa at kompanya: ang pagkopo nila ng merkado o tindahan ng kanilang mga produktong bakuna para sila kumita ng limpak-limpak na salapi.
MAKATWIRANG POSISYON NG SINGAPORE
Ang Singapore na gustong magkaroon ng Sinovac na siyang ibinabakuna na sa Indonesia makaraang magpabakuna mismo si President Joko Widodo at Turkey na rin ay may ibang katwiran ukol sa Sinovac.
Sinabi ng pamahalaang Singapore na wala silang pakialam sa mga nag-aaway-ayaw sa bisa ng bakuna.
Ang tanging gusto nila ay ang malinaw na pahayag mismo ng kompanyang Sinovac ukol sa bisa at ligtas na paggamit ng nasabing bakuna.
Magiging matibay na batayan na kaya sa kredibilidad ng Sinovac ang pahayag ng kompanyang gumagawa nito na gumaling at gumagaling ang 7 milyong Chinese sa pandemya at pag-apruba ng Turkey at Indonesia rito?
SA PILIPINAS NAMAN
May mga nag-aaway-away rin sa mahal kong Pinas, lalo na ukol sa Sinovac.
At ang pinalalabas lang na dahilan ng mga umaayaw sa bakunang ito ay ang rekord sa Brazil at ayaw tanggapin ang rekord sa China, Turkey at Indonesia.
At ang gusto ng mga umaayaw ay ang gawang mga Amerikano na Pfizer at Moderna at gawang United Kingdom o Europeo na AstraZeneca o kaya’y Sputnik V ng Russia.
Itong mga kritiko ng administrasyong Duterte ang lumalabas na pinaka sa lahat ng mga umaayaw dahil isa ito sa kanilang paraan ng paninira.
Binibigyan kasi ng puwang ng Pangulo ang Sinovac na isa ito sa lahat ng mga bakuna na pupwedeng angkatin at gamitin sa pagbabakuna.
Ayon sa United States Food and Drug Administration at World Health Organization, basta nakaabot ang isang bakuna sa 50%-70%, kinikilala na itong mabisa sa virus o bakteria na paggagamitan nito.
Sampol dito ang flu vaccine na may bisang 40-60% pero milyon-milyong tao sa buong mundo ang naliligtas nito sa pagpapaospital at kamatayan.
At ito ang isa sa mga pinanghahawakan ng ating pamahalaan, partikular ang Food and Drug Administration, na sukatan sa pag-apruba ng bakuna na gagamitin sa mahal kong Pinas.
Ayon sa ating Uzi, mga Bro, ang pamantayan at pag-apruba ng ating Food and Drug Administration sa isang bakuna, anoman ang brand o tatak at saanman at kanino man gawa ito, ang siyang mapagpasya.
Pero may iba pang mga dapat na isaalang-alang.
Kung allergic ka sa gamot at pagkain, maaaring bagsak ka sa kwalipikadong mabakunahan ng bakuna sa COVID-19.
Kung edad 16-18 pababa ka, posible ring hindi ka mababakunahan sa katwirang hindi pa buo ang iyong katawan na tumanggap ng bakunang pang-COVID-19.
Kaya dapat na isantabi ang mga awayan at magpabakuna ang dapat na magpabakuna o may gusto nito para matapos na ang delubyong pandemya.
PHILHEALTH TUMANGGAP NG PARANGAL MULA SA ASEAN SOCIAL SECURITY ASSOCIATION

January 15, 2021 @12:20 AM
Views:
144
MATAPOS hagupitin ng kontrobersya noong taong 2020, bagama’t low morale ang mga manggagawa ng Philippine Health Insurance Corporation, sinikap pa rin ng mga ito na magbigay ng kanilang serbisyo sa mga mamamayan.
Kaya naman sa katatapos lamang na 37th Board Meeting ng ASEAN Social Security Association nitong December 2020 ay pinagkalooban ng parangal ang ahensya ng “Continuous Improvement Recognition Award” para sa mga programang ipinatupad nito kaugnay sa pagresponde sa coronavirus disease 2019.
Ang ASSA ay binubuo ng mga social security agencies ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam at Pilipinas.
Simula nang maitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa bansa noong January 30, 2020, kaagad na nagpatupad ng payment mechanism ang PHILHEALTH para sa mga miyembro nito na saklaw ang testing package, community isolation package, benefit package at inpatient/hospitalization.
Personal na tinanggap ni PHILHEALTH president/chief executive officer Atty. Dante Gierran ang pagkilala mula sa ASSA Board at sinabi niyang pagkilala ito sa naging pagkilos ng Duterte administration kaugnay sa global pandemic kung saan ay pinalakas ang financial protection sa banta ng pagkakasakit. Inialay rin ang parangal sa mga medical at security frontliner na siyang nanguna sa paglaban kontra COVID-19.
Inaprubahan ng PHILHEALTH Board ang testing package rate na may halagang Php 3,409 para sa all-in services, Php 2,077 kung ang test kit ay donasyon sa laboratory at Php 901 kung libre ang test kit at ang operasyon ng testing facility ay nakapaloob sa badget para sa mga pampublikong ospital.
Batay sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, hanggang nitong January 12, 2021 ay umabot na sa 13.78 milyong Filipino ang nabakunahan na gamit ang RT-PCR.
Kung noon February 2020 hanggang April 15, 2020 ay sinasagot ng PHILHEALTH ang lahat ng gastusin para sa confined patient, naglabas na ng pakete ang ahensya na nakadepende sa antas ng pneumonia – Php 43,997 (mild), Php 143,267 (moderate), Php 333,519 (severe) at Php 786,384 (critical).
Naglaan din ang PHILHEALTH ng halagang Php 22,499 para sa Community Isolation Benefit Package para sa mga suspected, probable at kumpirmadong COVID-19 cases na sakop ang boarding, pagkain, hygiene kit, diagnostic test and imaging, professional health care, oxygen at medical transport habang naka-quarantine ng 14 araw.
Humahanga ang inyong lingkod sa mga kawani ng PHILHEALTH na patuloy na nagbigay ng mataas na antas ng serbisyo kahit pa kaliwa’t kanan ang pagbanat at pagyurak sa ahensya.
Sa isang banda, maganda na rin na nalantad sa publiko ang malaganap na modus operandi sa loob ng PHILHEALTH na sangkot ang mga matataas na opisyales.
Magandang pagkakataon ito para maisaayos ang mga sistema at mailagay sa mga puwesto ang mga tama at karapat-dapat na lingkod-bayan.
Nawa ang parangal na nakuha ng PHILHEALTH ay magsilbing inspirasyon na napakahalaga ng gampanin ng ahensya sa ating mga mamamayan, at dahil buhay nila ang nakasalalay rito, mataas din ang inaasahan ng sambayanan.
Manatili nawa kayong matatag para sa mga kababayan natin na nakasandig sa inyo ang kalusugan.
PAGBABAKUNA KONTRA COVID-19 SISIMULAN NA

January 15, 2021 @12:15 AM
Views:
170
SA ilang buwang paghihintay sa wakas ay magsisimula na sa Pebrero ang gagawing pagbabakuna sa Pilipinas kontra COVID-19, ito ang sabi nina Health Sec. Francisco Duque III at Vaccine Czar at National Task Force COVID-19 chief Implementor Sec. Carlito Galvez sa Senado (kung totoo po ito?).
Harinawa para naman tuluyan nang makapamuhay nang tahimik ang mamamayang Filipino.
Ayon nga kay Sec. Galvez, sa ngayon ay mayroon ng 80,000 na vaccine sa buwan ng Pebrero, 950,000 sa buwan ng Marso; 1M para sa Abril; 1M sa buwan ng Mayo at sa mga sumunod pa ay 2M sa isang bakuna.
Samantala, tiniyak din ni Galvez na mahigit 50,000 Pinoy ang mababakunahan sa Pebrero at uunahin ang mga health care worker.
Sa buwan naman ng Abril ay may 2M ang mababakunahan sa National Capital Regional Davao City na siyang magiging priority.
Dagdag pa ni Galvez, ang Chinese vaccine na Sinovac ang unang darating na bakuna sa bansa at pinag-uusapan na rin daw ang magiging distribusyon ng bakuna at ang majority na vaccine ay mula sa Pfizer.
Ayon kay Galvez, target na mabakunahan ang lahat para maibalik na sa normal ang pamumuhay ng mga Filipino sa 2023.
Aminado rin ang kalihim ng 80% na global suplay ng COVID vaccine ay manipulado ng mayayamang bansa pero ginagawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya para makapagnegosasyon at makakuha ng fair share sa natitira pang 18% na global suplay ng bakuna.
Kabilang sa bakuna na inaasahang darating sa bansa ay 30M-40 milyong doses mula sa Novavax, 40 milyong doses at higit pa mula sa Pfizer, BioN-tech vaccine, 25 to 30 milyong doses sa AstraZeneca at tig-25 milyon doses mula sa Sinovac at Gamaleya at 40 milyong doses mula sa Covax.
Sa 3rd at 4th quarter daw ng 2021 inaasahang darating ang bulto ng mga bakuna.
Ang target ng gobyerno na makabili ng 148 milyong doses sa ngayon ang naseselyuhan pa lang gobyerno ang kasunduhan sa Nova vaccine ng Novavax US-based biotechnology company at Zerum Institute ng India.
Ang tanong ni Juan dela Cruz, baka puro na naman ‘wento lang ‘yan at wa’ namang ‘wenta na alam naman nating lahat, simula’t sapul nang kumalat sa buong mundo ang pandemikong virus na ‘yan, marami na pong buhay ang nawala dahil sa COVID-19.
Kaya naman nakikiusap ang sambayang Filipino, huwag naman sanang paikutin ang mamamayan okey lang kung wala pang pera ang ating gobyerno naririyan naman ang LGUs na kung saan isa-isa nang naglabasan ng perang kanilang ipambibili ng bakuna para sa kani-kanilang mga constituent.
Kaya nga hinihiling nila sa national government na payagan silang makipagtransaksyon sa mga vaccine supplier para makabili na sila ng kanilang gagamiting pambakuna sa kanilang mamamayan.
Biruin ninyo ‘yung ibang mga bansa ay nagkukumahog na sa pagbabakuna sa kani-kanilang mga kababayan samantalang tayo hanggang ngayon ay puro pakikipagtransaksyon ang ginagawa ng ilan kesyo ganito ‘yun, ganito ‘yan.. etc..etc…
Kung wala namang pera ang gobyerno ay naririyan ang mga LGU dahil sila mismo ang mga nangako na mapayagan lang sila ni Presidente Rodrigo Duterte na makipagtransaksyon sa mga vaccine supplier ay may mga naka-ready na silang pambili ng vaccine.
Aksyon hindi puro ngakngak….
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764,09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com o juandesabog48@gmail.com.
UK VARIANT NASA PINAS NA, LAHAT MAG-INGAT SA COVID-19

January 15, 2021 @12:10 AM
Views:
148
OPISYAL na ngang inilabas ng Department of Health ang balitang mayroon nang kumpirmadong kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa na ayon sa ahensya ay negatibo naman sa sakit nang umalis ng Pilipinas.
Dahil nga dito, malaki ang tyansang nahawa ito sa bansang pinuntahan nito at nagkataong dito na lamang sa bansa na-detect sa kanyang test na nahawa na siya sa sakit at taglay pa ang bagong variant nito.
Matinding contact tracing ang kailangang gawin ngayon ng pamahalaan sa mga nakasama ng pasyenteng ito sa eroplano pabalik ng bansa maging ang sinomang nakahalubilo nito mula ng lumapag sa ating paliparan.
May mga ulat pa naman na ang mga bagong variant ng COVID-19 ay mas nakahahawa kung kaya’t ibayong pag-iingat pa ang dapat gawin ng lahat lalo na ang pagsunod sa minimum public health standard na itinakda ng pamahalaan.
Hindi biro ang pagpasok ng bagong variant na ito sa bansa dahil maaaring magdulot ito ng muling pagsipa ng hawahan ng sakit kaya naman maintindihan nawa ng bawat Filipino kung maghigpit muli sa ilang patakaran, partikular na sa galaw ng tao, ang iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Mag-iisang taon na rin tayong nakikipagbuno sa COVID-19 at sana naman ay hindi masayang ang ating mga pinaghirapan dahil lamang sa simpleng pagbabalewala sa sakit na ito.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa’t papalapit na ang pagdating ng mga bakunang bibilhin ng pamahalaan upang makayanan na siyang magbibigay ng malaking pag-asa na mapagtagumpayan na natin ang laban kontra COVID-19.
Magandang balita ring maging ang mga LGU ay may sarili nang inisyatibo upang makabili ng bakuna at maipamahagi ito sa residente ng kanilang lokalidad.
Ang bagay na ito ay makapagpapagaan sa dalahin ng national government upang mas maliit na porsyento na lamang ng populasyon ang kanilang bibilhan ng bakuna.
Totoong kapit-bisig ngayon ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan sa pagbibigay solusyon sa mga suliraning kinahaharap ng bansa dahil sa COVID-19.
Tanging kontribusyon na lamang natin ay ang siguraduhing ligtas tayo sa sakit na ito at panatilihing tayo’y nakasusunod sa health and safety protocol laban sa COVID-19 tuwing lalabas tayo sa ating tahanan.
CONG. BONG BRAVO, MAY MALASAKIT SA BAWAT MASBATEÑO

January 15, 2021 @12:05 AM
Views:
216
BILANG na lang sa daliri ng mga kababayan ko ang mga lider sa mahal kong lalawigan na may angking kabutihan ang puso sa paglilingkod sa kanyang nasasakupan mula pa noon hanggang ngayon.
Kabisado ko ang likaw ng bituka ng mga politiko sa aming lugar na sadyang magulo na noon pang panahon ni Mahoma subalit isa si Cong. Narciso R. Bravo Jr. ng unang distrito ng Masbate sa natitirang opisyal na sumisigaw ng katahimikan hindi lang sa kanyang balwarteng mga isla ng Burias at Ticao kundi sa buong lalawigan na kilala bilang isa sa mga lugar sa bansa na may pinakamaraming karahasang nangyayari lalo sa panahon ng eleksyon.
Kaya naman bilang chairman ng public order and safety sa Kongreso ngayon, kaagad nitong ipinasa ang anti-terror law upang matuldukan na ang kaguluhan sa iba’t ibang panig ng bansa na gawain naman ng ilang grupo ng teroristang patuloy pa ring naghahasik ng lagim dito.
Bagama’t naging kontrobersyal ang naturang batas at inulan ng batikos mula sa ilang progresibong grupo, hangarin ni Bravo sa pagsulong nito ang hindi na maulit sa ibang lalawigan ang mga nangyaring patayan sa aming lugar lalo na kapag oras ng botohan.
Sa tuwing nag-uusap kami ni Bong sa bihirang pagkakataon, ramdam ko ang kanyang saloobing paglingkuran ang pobre naming lugar na maiangat ang antas ng pamumuhay ng naghihikahos sa kahirapan ng nakararaming kababayan.
Hindi naman kaila sa akin ang bayan ng San Fernando na unang naging mayor ang kilala nang kongresistang ito dahil dito ako nag-aral noon sa elementaryang puno ng problema kabilang ang animo’y kasing lalim ng kumunoy na mga kalsada’t napakadilim na bayan na para bang may eclipse gabi-gabi.
Ngunit mula nang manungkulan ang pamilya nito ay nagsimula rin ang pag-angat sa buhay ng mga residente rito kasabay ang konstruksyon ng malawak at konkretong mga kalsada sa iba pang bayan ng Ticao at Burias na binibisita na ngayon ng mga lokal at dayuhang turista bunsod sa naggagandahang higit pa sa Boracay na mga resort dito.
Paano ba naman makalilimutan si Bravo ng taga Burias na sa kanyang panunungkulan ay naipagawa nito ang konkretong 53 kilometrong kalsada mula Claveria hanggang San Pascual kung saan labas-pasok na ngayon ang mga bus na bumibiyahe patungong Kalakhang Maynila kasabay ng pagpasok ng ilang delivery truck na may kargang pangunahing pangangailangan ng mga tagarito kaya naman nagdulot ito ng ginhawa sa kanila bunsod ng pagbaba ng presyo ng mga bilihin.
Akala nga ng mga residente ay sa panaginip na lang maisasakutaparan ang kanilang pangarap na mga daan na magpapagaan sa pagdala ng mga produkto sa kabisera mula sa pagsasaka at pangingisda na tanging pantawid-gutom ng mga ito sa kanilang pamilya sapagkat ilang dekada na ang lumipas, walang politikong tumugon sa paulit-ulit na panawagang ito kundi si Bravo lang.
Maging ang serbisyong medikal sa mga pasyente, ayudang pangkabuhayan sa mga salat sa kahirapang mamamayan at tulong sa mga iskolar na anak ng mga mahihirap na pamilya sa unang distrito ay ordinaryong gawain na lang ng naturang mambabatas noon pa man.
Saksi ang inyong lingkod bilang mamamahayag na iilan na lang ang katulad nitong opisyal na hindi yumaman sa kanyang panunungkulan hindi pareho ng ibang kilala kong politiko sa Masbate na ilang taon pa lang sa poder ay nakapundar na ng dambuhalang mga mansion, malawak na lupain at iba pang sandamakmak na ari-ariang alam naman ng lahat na mula sa pinagpapasasaang buwis ng taumbayan.
At kung trabaho sa kongreso ang pag-uusapan, aba’y dagdag na naisabatas ni Bravo ang mabigat na parusa sa indiscriminate firing na hindi lang gawain ng ilang trigger happy na otoridad maging ng may topak na mga sibilyan at kasabay sa pag-apruba ng Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization Act na naglalayong matugunan ang kakulangan ng mga firefighter ng makabagong kagamitan sa pag-apula ng apoy at iba pang trabaho nila sa panahon ng kalamidad at krisis lalo na ngayong may pandemya.
Hindi lang ‘yan, noong panahon ni Pnoy ay isinulong din nito ang pagpapatupad ng reforestation sa mga kalbong kabundukan ng lalawigan at iba pang lugar sa bansa bilang kasapi noon ng komite sa pangangalaga ng kalikasan at pumasa ng mahahalagang batas sa panunungkulan naman ni dating Pangulong Gloria na kung iisa-isahin natin ay hindi kasya sa pitak na ito.
Kung ang lahat ng politiko sa lalawigan ko ay katulad ng pamilya ni Bravo na tanging layunin ang pagsilbihan ang mga kababayan namin, matagal na sanang guminhawa ang mga pobreng pamilya rito at natanggal na rin sa listahan bilang isa sa pinakamahirap na lugar sa bansa.
Subalit suntok sa buwan na yata ang panaginip na ‘yan dahil ang totoo, karamihan sa mga politiko sa lugar ko ay ginagamit ang posisyon upang magkamal nang sukdulan hanggang langit na kayamanan sa gitna nang dilat sa gutom na mamamayan..pwe
HAPPY BIRTHDAY CONGRESSMAN BONG!!!BISAN HINAY BASTA KANUNAY.
Loading...