PULIS NA SANGKOT SA KIDNAPPING, HAHARAPIN NI GEN. ESTOMO

PULIS NA SANGKOT SA KIDNAPPING, HAHARAPIN NI GEN. ESTOMO

September 17, 2022 @ 12:39 AM 2 weeks ago


SAKALING totoo nga ang balita na may kinalaman ang ilang pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office sa kidnapping ng mga dayuhang nagtratrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ilang negosyante Chinese-Filipino, handa silang harapin ni PBGen. Jonnel Estomo.

Naunang nagbabala si Estomo, director ng NCRPO, sa mga tiwaling pulis na sumisira sa pangalan at magandang imahe ng Philippine National Police na bilang na ang araw nila sapagkat mas pinatindi pa niya ang kanyang intelligence network at nagdagdag ng mga sibilyang tutulong sa pulisya kaugnay sa mga kinakailangang impormasyon upang malutas ang kaso ng kidnapping.

Pagdating sa usapin ng kidnapping, hindi na mapaglalalangan si Estomo sapagkat hinawakan na nito ang Anti-Kidnapping Group ng PNP at marami na siyang nalutas na kaso dahil sa kanyang dedikasyon sa serbisyo at pagkakaroon ng mga tauhang katulad niya ay handang ilaan ang buhay para sa pinagsisilbihang mamamayan ng bansa.

Nakapagtataka lang, ang mga kidnapping na lumulutang at ipinakakargo kay Estomo ay panahon pa ng nakaraang administrasyon na pawang nabigyang kasagutan na matapos makilala at mahuli ang mga suspek na nasampahan na rin naman ng kaso.

Bukod pa rito, mukhang pinalalaki ang usapin dahil kahit hindi kidnapping ay pinalalabas na ito ang kaso. Tila ang mga lumalabas na balita ay pawang ‘fake news’ na ang layunin ay sirain ang kredibilidad ng nakaupong opisyal ng NCRPO.

Siyempre, hindi na bago sa ganitong ‘demolition job’ si Estomo, miyembro ng Philippine Military Academy class of 92, dahil ilang beses na niyang pinagdaanan at nilampasan ‘with flying colors’ ang ganitong paninira sa kanya.
Basta ang alam ng marami, hindi titigil ang hepe ng NCRPO sa pagtugis sa mga kriminal na nagiging balakid sa kapayapaan at kaayusan ng Kamaynilaan na nais pagsilbihan ni Estomo ng maayos at tapat.

Batid ni Estomo na ang kapayapaan at kaayusan ang magiging daan upang umangat ang ekonomiya ng bansa sapagkat kapag tahimik ang isang bansa lalo na ang mga pamayanan nito, hindi magdadalawang isip ang mga mamumuhunan na naglagak ng kabuhayan habang ang mga turista naman ay mas lalong maghahangad na dayuhin ang ating bayan.

Nakakatuwa naman itong heneral na si Estomo sapagkat naniniwala pa rin siya na malaking tulong ang komunidad sa pagsugpo ng krimen kaya nga hinihingi niya ang tulong at pakikiisa ng mamamayan sa mga pulis sapagkat para sa kanya gaano man kaganda ang isang proyekto kung hindi naman tutulong ang mga tao ay bale wala rin ito.

“A vision, no matter how idealistic and promising, will remain just a vision without the people who will work and bring it to reality. And I ask the support and full cooperation of all of our personnel – PCOs, PNCOs, and NUP alike – as we execute our plans and programs for the National Capital Region,” paliwanag ng heneral na maituturing na “Darling of the Press.”