‘PULIS-PATOLA’

‘PULIS-PATOLA’

March 16, 2023 @ 10:44 AM 2 weeks ago


” PULIS-PATOLA”. Ganyan ang tawag sa mga pulis na bugok, sablay, anay o sa madaling sabi, WALANGHIYA!

Kawawa naman tuloy ang patola. Ang patola ay isa sa mga gulay na masustansya…tapos ay ikukumpara lang sa mga pulis na walanghiya.

Kamakailan, sermon ang inabot ng mga pulis patola kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla dahil nga nagiging bisyo na ng mga ito ang sablay na trabaho, partikular sa paghuli ng mga indibidwal na sangkot sa droga.

Napansin ni Remulla na ang daming ‘accomplishment’ ng Philippine National Police pagdating sa panghuhuli ng illegal drugs ngunit pagdating sa korte o sa piskalya pa lamang, ang mga kaso ay nababasura na. Swak sa banga, swak sa inidoro.

Ibig sabihin, hindi “tumatayo” o walang tibay na maaasahan ang isinasampang kaso ng mga pulis laban sa nahuhuling suspek.

Kadalasan kasi, “pitsa” lang ang habol ng mga pulis sa kanilang hinuhuli. Kung walang makuhang pera, tutuluyan ang hinuli kaya pagdating sa hukuman, basura lang ang kaso. Pareho kasing “patola” ang arresting at officer on case.

Ang akala siguro ng mga “pulis patola”, kapag marami silang accomplishment ukol sa illegal drugs ay magaling na sila.

Hindi nila alam, lalo lang nila pinalalala ang problema sa droga. Ang mga tulak na dapat mabulok sa kulungan ay patuloy lang na nakalalaya. At ang mga inosenteng dinakma dahil sa kanilang “pamimitsa” ang nagdurusa sa kulungan.

Nakapeperhuwisyo lang sila at nagmumukhang salot sa mga hinuling wala namang sala.

Tingnan n’yo ang mga kulungan, partikular ang mga nasa presinto at city jail…Nakasusulasok ang hitsura.

Marami riyang preso na karamihan ay biktima ng pangsi-set-up ng mga pulis-patola.
May kakilala nga akong mag-asawa na isinadlak sa piitan ng mga walanghiyang pulis sa Sta.Cruz, Maynila matapos pagbintangang nagtutulak ng droga.

Unang hinuli ang mister sa isa kunong buy-bust at nang dumalaw ang kanyang misis, pati ito ay hinuli at idinamay saka inakusahang “user” nang hindi makapagbigay ng “pitsa”.

Halos tatlong buwan sila nakulong bago nakapagpiyansa, gamit ang pera na sana ay pampagamot ng kapatid ng isa sa mag-asawa. Na-trauma ang kanilang apat na anak na maliliit pa dahil binu-bully ng mga kalaro. Ang kanila raw kasing magulang ay mga tulak ng droga, gayong biktima lang ng set-up ng mga “pera-perang pulis” ng Maynila.

Napakasalbahe ng ginawa sa kanila. Pinagtripan ng mga pulis patola na gusto lang magkapera. Patuloy na dinidinig sa korte ang kaso ng mag-asawa at alam nilang sila ay mapawawalang-sala, gaya ng maraming kaso na inimbento lang ng mga ungas na pulis.

Dahil dito sa mga ganitong pangyayari, lalong nawawalan ng tiwala ang publiko sa mga pulis. Kaya anomang pagsisikap ng PNP na magbangong-puri, kung marami pa ring pulis-patola mangangamoy malansa pa rin ang kanilang uniporme.