Pulis-QCPD na sangkot sa iligal na pagpapaputok ng baril, sumuko

Pulis-QCPD na sangkot sa iligal na pagpapaputok ng baril, sumuko

September 5, 2022 @ 12:39 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inianunsiyo ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Nicolas Torre III ang boluntaryong pagsuko ng isang pulis na nasangkot sa insidente ng alarm and scandal sa Kangkong St., Brgy. Tumana, Marikina City noong gabi ng Setyembre 1.

Ayon kay Torre, ang suspek na si PCPL Felipe Pauig, 32, nakatalaga sa District Tactical Motorized Unit (DTMU), at residente ng Brgy. Tumana, Marikina City, ay nagtungo sa tanggapan ng kanyang superior sa PLTCOL Reynaldo Vitto sa Camp Karingal, Quezon City dakong 9:40 ng gabi.

Boluntaryo ring isinuko ni Pauig, na kasalukuyan nang nasa restrictive custody, ang kanyang service firearm na ginamit nito sa indiscriminate firing kaya naasunto.

Nauna rito, noong Setyembre 2, 2022 ay ipinag-utos ni Torre ang manhunt laban kay Pauig matapos na masangkot sa alarm and scandal incident kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Jail Officer 1 Dolfino Gatan, na nakatalaga sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa  Bicutan, Taguig City at Jestony Pauig, security guard, ng Brgy. Tumana.

Sinampahan rin siya ng Marikina Police Station ng kasong paglabag sa Art. 155 o Alarm and Scandal habang ang QCPD naman ang nagsulong ng pre-charge evaluation sa kanyang kaso upang masampahan ng administrative case.

“Nakalungkot na kung minsan ay nakalimutan na iilang mga pulis ang kanilang tungkulin at nasasangkot sa ganitong gawain kaya naman nagpapasalamat ako sa ating District Director PBGEN Torre III dahil sa agaran nyang aksiyon.  Alam kong hindi siya papayag na madungisan ang disiplinadong kapulisan dito sa ating lungsod,” ayon kay QC Mayor Hon. Ma. Josefina “Joy” Belmonte.

“Hindi namin kailanman kukunsintihin ang mga abusadong pulis na sumisira sa magandang imahe ng kapulisan lalo na dito sa QCPD. Mabuti na lang at sumuko siya at hindi na hinintay na makorner pa. Tinitiyak namin sa publiko na ang mga ganitong gawain ay hindi sumasalamin sa buong organisasyon. Kaya naman, hinihikayat namin ang publiko na kaagad magsumbong kung may mga abusadong pulis kahit anong ranggo, para sila ay maalis sa serbisyo. saad naman ni Torre III.