Pulis, ‘siga’ patay sa shootout; 1 pang parak sugatan

Pulis, ‘siga’ patay sa shootout; 1 pang parak sugatan

November 14, 2022 @ 7:42 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Patay ang isang pulis at isang umano’y siga nang makipagbarilan ang huli sa mga pulis, habang isa pang alagad ng batas ang sugatan sa Caloocan City Linggo ng hapon.

Idineklarang patay sina Police Corporal Noel Amtarao Ogano ng Special Weapons and Tactics ng Quezon City Police District, at ang suspek na si Martin Luther Nuñez.

Nabatid na lasing ang suspek sa Barangay Pasong Putik, Quezon City at dumiretso pa sa isang burol kung saan nagpaputok ito ng baril.

Tinugis ng mga pulis-Quezon City ang suspek sa bahay nito sa Caloocan at nakausap pa umano ng mga awtoridad ang ina ng suspek ngunit hindi umano pinasuko nito ang anak dahil araw ng Linggo at hindi ito mapipyansahan.

Simula dito ay hindi na nakipag-usap sa mga pulis ang pamilya ng suspek at nagkulong na sa bahay, hanggang sa magsimulang magpapaputok si Nuñez.

Napilitang gumanti ang mga pulis, kung saan kapwa napuruhan sina Ogano at ang suspek, habang isa pang pulis ang tinamaan at nagpapagaling sa ospital habang isinusulat ito.

Nabatid, astang-siga sa kanilang lugar ang suspek at walang pinipiling tutukan ng baril. Merly Iral