Pulis southern, timbog sa droga

Pulis southern, timbog sa droga

July 29, 2018 @ 4:22 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Huli sa isinasagawang Station Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) ang 38-anyos na miyembro ng District Mobile Force Batallion ng Southern Police District , nitong hatinggabi sa Tondo, Manila.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District-Raxabago Police Station 1, ang suspek na nakilalang si  PO1 Reygie Celso, ng Navotas City, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive  Dangerous Drug Act of 2002).

Base sa ulat ni P/Supt. Jay Dimaandal , Station Commander , bandang 11:45 ng hatinggabi  nang bitbitin si PO1 Celso sa isang iskinita sa  Osorio St. sa Tondo.

Nabatid sa report ng Station Anti-Illegal Enforcement Team , kalukuyan umano silang nagsasagawa ng SACLEO, nang mamataan ang isang lalaki na may kahina-hinalang kilos.

Dahil dito, nilapitan at sinita ng mga pulis ang suspek at nang kapkapan ay nahulihan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Kaagad na binitbit sa presinto ang suspek, na malaunan ay nadiskubreng isa palang aktibong pulis. [RENE CRISOSTOMO]