Pulis tigok sa kabaro sa birthday party

Pulis tigok sa kabaro sa birthday party

September 27, 2022 @ 7:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – DUMANAK ng dugo sa masayang pagdiriwang ng kaarawan ng isang pulis matapos na magwala ang bisita niyang kabaro nang magkapikunan at magka-agawan ng baril na nagresulta sa pagkamatay ng huli sa Quezon City, Linggo ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si PSSG Jonas Trinidad, 37 amyos, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD)-Talipapa Police Station (PS-3) at residente ng 69 Bautista St., Maligaya Subdivision, Caloocan City.

Sugatan naman at naka-confine sa Commonwealth Hospital and Medical Center ang suspek na si PMSG Amando Gonzales, 50, nakatalaga rin sa PS-3 at residente ng Block 33 Lot 23 Sarong Bangui St., Lagro Subdivision, Barangay Greater Lagro, Novaliches, Q.C.

Base sa ulat, dakong 2:40 ng hapon nang maganap ang insidente sa tahanan ni Gonzales, na noon ay nagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Nauna rito, nagtungo umano si Trinidad at iba pa nilang kaibigan sa bahay ni Gonzales upang dumalo sa birthday party nito.

Pasado 9:00 pa lamang umano ng umaga nang magkayayaan ang biktima at iba pang bisita na mag-inuman.

Nang magpaalam na uuwi na ang mga bisita, hiningi umano ni Gonzales ang .45 kalibre na service firearm ni Trinidad, na itinago muna ng kanyang asawang si Michelle Gonzales, at isasauli na lamang ‘pag-umuwi na umano ang biktima.

Ayon sa isang saksi, nang isinauli na ni Gonzales ang baril ni Trinidad ay nakita na lamang niyang nagbasag ng basyo ng bote ng beer ang biktima sanhi upang masugatan ang birthday celebrant.

Kinumpronta umano ni Gonzales si Trinidad kung bakit ito nagbasag ng bote, ngunit muli itong kumuha ng bote ng beer at muling inihagis.

Upang mahimasmasan ay binihusan ni Gonzales ng tubig ang kasamahang pulis pero binunot nito ang baril at kinargahan ng bala.

Tinangka umano ni Gonzales na awatin si Trinidad at agawin ang baril nito pero nanlaban ang biktima at nagpambuno ang dalawa hanggang ilang ulit na pumutok ang baril at tinamaan si Gonzales sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inawat naman ng iba pang bisita si Trinidad hanggang sa mahawakan ng bisitang nakilalang si Ronnie Fumar ang kamay ng pulis na sinamantala naman ni Michelle at inagaw ang baril saka itinago sa loob ng bahay.

Bagamat sugatan, tumayo umano si Gonzales at nang mapuna ng asawa na may mga tama ito ay isinugod na ito sa ospital.

Lingid sa kanilang kaalaman, tinamaan rin pala si Trinidad nang pumutok ang baril na nagresulta sa pagkamatay nito.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Michelle na hindi niya napansin na may tama ng bala si Trinidad dahil buhay pa aniya ito nang iwanan nila sa kanilang bahay upang isugod ang kaniyang asawa sa pagamutan.

Makalipas ang isang oras ay saka lamang may nagbalita sa kanya na may tama rin pala ng bala si Trinidad sa kanyang balakang, inquinal at groin area na nagresulta ng kaniyang kamatayan.

Ayon naman kina Pasong Putik Proper Police Station (PS-16, QCPD) Mobile Patrollers PCpl Jemuel Rodriguez at PSSg Meynard Ramos, na rumesponde sa insidente, nakita nilang duguang nakaupo si Trinidad malapit sa gate kaya’t isinugod sa pagamutan ngunit dead on arrival na ito.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring krimen. Jan Sinocruz