PULP FICTION

PULP FICTION

August 4, 2022 @ 6:20 PM 1 week ago


SIMULA nang ipalabas sa mga sinehan ang pelikulang “Maid in Malacanang,” ipinagbunyi ng Marcos loyalists ang paglalahad ng anila’y bersyon nila ng kuwento makalipas ang 36 na taon.
Pero hindi ito nagustuhan ng maraming Pilipinong nakababatid ng kasaysayan, kinondena ang gala premiere at block screenings bilang aktuwal na pagbabago ng kasaysayan sa pamamagitan ng pelikula.
Para sa magkabilang panig, kalma lang. Pulp fiction lang naman ‘yan.
***
Balitang ilang grupo ng mga negosyante para bumili ng milyun-milyong pisong halaga ng tickets ng pelikula para ipamahagi sa mga eskuwelahan.
Minsan pa, nakababahala ito para sa ilang concerned citizens na nagsabing mapapanood ng mga estudyante ang mali-maling paglalahad ng mga aktuwal na karahasang nangyari noong taon ng “ML.”
Nangangamba akong patuloy na isipin ng mga bata ngayon na ang “ML” ay pinaikling Mobile Legends.
***
“Ang pagpapahintulot na maipasa ang nakapipinsalang Vape Law bilang paunang batas ng administrasyon ay lubhang hindi kapani-paniwala,” ayon kay Teresita Ang-See.
Dati rin akong naninigarilyo at sang-ayon ako sa kanya. Ang paghinto ko sa bisyong ito ang pinakamahirap na pinagdaanan ko.
***
Sang-ayon naman ang Department of Health at ang Food and Drug Administration na tama lang na i-veto ni Pangulong Marcos ang Vape Law.
Giit nila, ang regulasyon ng gobyerno sa vapes at sa iba pang heated tobacco products ay dapat lang na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon at hindi ng Department of Trade and Industry.
Ano ba talaga ang isyu rito, ang kalusugan ng publiko o milyun-milyon pang dahilan na may kaugnayan sa isang multi-bilyon pisong industriya?
***
Aaminin ko na muntik na akong napapalakpak sa bahagi ng SONA ni Pangulong Marcos nang sabihin niya: “Hindi ko pangangasiwaan ang anomang proseso na magpapaubaya sa kahit isa mang kuwadrado pulgada ng teritoryo ng Republika ng Pilipinas sa alinmang makapagyarihang dayuhan.”
Nito lamang isang araw, sinabi ni presidential spokesperson Trixie Cruz-Angeles na hindi raw makikialam ang amo niya sa pag-angkin ng mga tagapagmana ng Sultanato sa Sabah dahil iyon daw ay “private claim.”
***
Nitong Lunes, sinagot ng MMDA ang reklamo ng mga motorista laban sa countdown timers na deactivated mula sa mga stop-and-go signal lights sa maraming intersection sa kabiserang rehiyon, sinabing upgraded na raw ang mga ito sa Advance Traffic Control System, na nagpapalit mula sa pula patungong berde at vice-versa, depende sa natukoy na pagsisikip ng trapiko.
Ibig sabihin, kaya ng bagong teknolohiya na ito na bilangin ang mga sasakyan sa apat na lanes na nagsasalubong sa isang intersection at nakakapagpasya kung aling lane ang dapat na “green” o “red”; pero hindi kayang mag-countdown bilang maagap na babala sa mga motorista upang makaiwas sa aksidente.
Genius! Pupusta ako, ang sistemang ito’y magdudulot ng napakaraming “non-contact apprehension” tickets.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.