Pumatay kay Lapid sumuko na!

Pumatay kay Lapid sumuko na!

October 18, 2022 @ 10:46 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sumuko na ang gunman na pumatay sa batikang mamamahayag na si Percy Lapid.

Iprinisenta sa media ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang suspek na kinilalang si Joel Salve Estorial.

Ayon sa awtoridad swak ang nakuha nilang dalawang basyo ng bala sa crime scene, sa baril na gamit ni Estorial.

Dala rin ng suspek ang pulang jacket na suot nang patayin si Lapid.

Humingi naman ng patawad ang suspek sa pamilya ni Lapid.

“Sana mapatawad po nila ako. Hindi ko po kagustuhan yun.”

Giit niya na tinakot umano siya ng isa sa kanyang mga kamahan: “Pag di ko binaril, ako ang papatayin. Kaya binaril ko na si Percy.”

Ininguso niya rin ang apat niya pang mga kasamahan sa krimen.

Kinilala niya ang mga ito na sina Edmon at Israel Dimaculangan, Orly at isa pang personalidad.

Pagsisiwalat pa niya na matapos ang krimen, nakatanggap sila ng P550,000 kapalit ng pagpatay kay Percy, P140,000 rito ang napunta sa kanyang bank account.

Hindi naman pinangalanan ang mastermind sa insidente, pero giniit ni Abalos na sisiguruhin nilang mahuhuli ito.

“We have to get the mastermind. That’s what is important,” ani Abalos.

Inilabas din ni Abalos ang litrato ng dalawa pang suspek at hinimok na sumuko na.

Ani Estorial na sumuko siya dahil sa takot na rin sa mga natatanggap na banta sa buhay. RNT