Pumatay sa 2 sundalo sa Negros tutugisin ng PH Army

Pumatay sa 2 sundalo sa Negros tutugisin ng PH Army

November 27, 2022 @ 12:59 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako ang Philippine Army na tutugisin nila ang mga pumatay sa dalawang sundalo makaraang tambangan ang mga ito sa Sipalay City, Negros Occidental noong Huwebes, Nobyembre 24.

Mariing kinondena ng Philippine Army’s 302nd Infantry Brigade (IBde) ang pagpatay kina Sgt. Regie Glindro, 39, mula sa Capiz at Staff Sgt. Ken Camilan, 41, residente ng Kabankalan City, Negros Occidental.

“We will ensure that justice for the victims will be served,” ani Brig. Gen. Leonardo Peña, commander ng 302nd IBde.

Sa impormasyon, nakikipag-ugnayan para sa papalapit na local peace engagement ang naturang mga sundalo sa mga residente ng bigla na lamang pagbabarilin ang mga ito ng mga hindi pa tukoy na armadong mga indibidwal.

Ang dalawang sundalo ay mga intelligence operatives ng 47th Infantry Battalion (IB) na nakabase sa Barangay Haba, Candoni ng naturang probinsya.

Inako naman ng Armando Sumayang Jr Command ng New People’s Army (NPA) Southwest Guerrilla Front (ASJC-NPA) ang pananambang sa dalawang sundalo sa pamamagitan ng abiso na ipinakalat sa media nitong Biyernes, Nobyembre 25.

Siniguro naman ng 302nd IBde at 47th IB ang publiko na hindi maaapektuhan ng pangyayaring ito ang pagpapatuloy ng peace efforts ng pamahalaan sa mga komunidad.

Tutugisin din nila ang mga nasa likod ng pagpatay sa dalawang sundalo.

Pinarangalan naman ni Maj. Gen. Benedict Arevalo, 3ID commander, ang mga ito na nagbuwis ng buhay upang mapanatili ang kapayapaan sa mga mamamayan ng Negros.

“We honor their heroism and sacrifices.” RNT/JGC