Pumili ng lider na kayang magtanggol sa West Philippine Sea – maritime law expert

Pumili ng lider na kayang magtanggol sa West Philippine Sea – maritime law expert

April 4, 2022 @ 9:48 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang maritime law expert sa mga botante na iboto ang isang kandidato sa pagka-pangulo na may matatag na poliisya at posisyon pabor sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang panayam, sinabi ni University of the Philippines (UP) professor Atty. Jay Batongbacal na ang pagpili ng kandidato na kayang ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa WPS ay mahalaga, ang pangulo aniya kasi ang ‘key official’ sa pagbuo ng Philippine foreign policy.

“Sana suriin nilang mabuti ‘yong mga postura, ‘yong iniisip, ‘yong kaisipan ng ating kandidato, at pumili sila ng kandidato na maninindigan para sa Pilipino at hindi lang magbibigay nang magbibigay doon sa China,” ayon kay Batongbacal, isa ring director ng UP Institute for Maritime Affairs and the Law of the Sea

Ang pahayag na ito ni Batongbacal ay tugon sa insidente sa Panatag (Scarborough) Shoal noong Marso 2 makaraang maiulat ang gitgitan ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Chinese Coast Guard (CCG).

Sa ulat, muling iginiit kasi ng Tsina na may ‘sovereign rights’ sila sa Scarborough (Panatag) Shoal na umano’y kanilang teritoryo.

Pinagsabihan rin ni Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin ang PCG na respetuhin ang pag-angkin nila sa naturang bahagi ng karagatan.

Ito ay makaraang iulat ng PCG ang panggigitgit umano ng barko ng Tsina sa kanila noong Marso 2 sa Panatag Shoal.

Nasa 21 metro na lamang umano ang pagitan ng dalawang barko na masuwerteng hindi nagkasalpukan.

Umaasa rin umano sila na rerespetuhin ng Pilipinas ang karapatan ng Tsina kasama ang kanilang mga interes, sumunod sa domestic law at international law at iwasan na makialam sa pagpapatrulya nila.

Samantala, binatikos naman ni Batongbacal ang ‘friendly pivot’ ng administrasyong Duterte sa China.

Binatikos din nito ang 2016 campaign promise ni Pangulong Duterte na sasakay ng jet ski para ipagtanggol ang West Philippine Sea. Anito, maaaring gamitin na naman ang nasabing isyu ngayong 2022.

“Please lang, bumenta na iyon. Huwag na tayong maniniwala doon sa ganoong klaseng mga pangako,” ayon kay Batongbacal.

Dahil dito, hinikayat ni Batongbacal ang mga botante na ikonsidera ang usapin ng West Philippine Sea sa pagpili ng kanilang iboboto sa pagka-pangulo sa May 9 elections. Ang kapalaran aniya ng territorial waters ng bansa ay makaaapekto sa mga darating na henerasyon.

“’Yon pong ating mga apo, at apo ng ating mga apo ang siyang magiging apektado nito, lalo na kung iyang [West Philippine Sea] ay mawawala sa atin,” anito. Kris Jose