PUPUNTA SA MANILA CEMETERIES OBLIGADONG MAG-FACE MASK

PUPUNTA SA MANILA CEMETERIES OBLIGADONG MAG-FACE MASK

October 21, 2022 @ 4:20 PM 1 month ago


WALA pang naitatalang ulat ang Department of Health hinggil sa natuklasang bagong Covid -19 Omicron variant na XBB sa Pilipinas na dinaranas ng bansang Singapore pero mas mabuting gumawa ng hakbang ang mga nasa lokal na pamahalaan para mapigilan, sakali, ang pagkalat nito.

Katunayan, iniutos na ni Mayor Honey Lacuna-Pangan kay Manila Police District Director P/BGen. Andre Dizon na ipatupad ang ‘mandatory wearing of face mask’ sa loob ng dalawang malaking pampublikong libingan sa Maynila, ang Manila North at Manila South Cemeteries, sa paggunita sa mga namayapa.

Simula Oktubre 29, dahil sa petsang ito magsisimula nang dumagsa ang mga taong bibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sa dami kasi nang dadagsa sa sementeryo, tiyak na hindi maiiwasan ang pagkakadikit-dikit at pagbubungguan ng
mga tao kaya malabong maipatupad ng pulisya ang physical at social distancing.

Kaya nga naisipan ng alkalde ng Maynila na sa halip na igiit pa ang pagpapanatili ng social distancing, mas nararapat na obligahin ang mga papasok sa loob ng dalawang sementeryo ang pagsusuot ng face mask.

Puwede na ring pumasok sa pampublikong sementeryo ang mga batang nasa edad na 12 pababa basta’t magpapakita ng katibayan na sila ay nabakunahan na ng Covid-19 vaccine.

Naunang hindi papayagang makapasok ang mga batang edad 12 pababa kahit na bakunado pero nabago dahil naisip ng alkalde na mas delikadong maiwan sa bahay ang mga batang may ganitong edad.

Hinimok naman ng alkalde ang mga matatandang hindi pa nababakunahan, lalo na ang mga may dinaranas ng karamdaman, na huwag nang magtungo sa mga libingan upang makaiwas kung mayroon mang hawahan ng ano mang uri ng sakit.

Masuwerte nga ang mga taga-Maynila dahil doktora ang kasaukiyang Punong Lungsod kaya’t malawak ang kaalaman nito sa medisina para protektahan ang kalusugan ng mga mamamayan sa kanyang nasasakupan.