Pupuslit sana ng shabu sa BI detention center, timbog

Pupuslit sana ng shabu sa BI detention center, timbog

August 1, 2018 @ 2:01 PM 4 years ago


 

Bicutan, Taguig – Buking ang isang ginang nang tangkaing magpuslit ng iligal na droga sa loob ng Bureau of Immigration (BI) detention center sa Bicutan, Taguig.

Ayon kay BI Warden Facility Chief Edward Mabborang, kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group, si  Melody Brosas Almoete, 27, ay nahuli sa tangkang pagpasok sa kulungan ng tinatayang 10 gramo ng shabu.

Modus operandi umano ng suspek na itago ang shabu sa kanyang maselang parte ng katawan upang hindi ito mahuli sa inspeksyon ng immigration officer.

Naging kahina-hinala ayon kay Mabborang nang makatuklas sila ng drug paraphernalia sa loob ng pasilidad ngunit walang anumang droga.

Dahil dito, nagsagawa sila ng surveillance at minanmanan ang mga aktibidad ng mga dalaw kung saan nahuli ang suspek nang tangkain nitong ilabas ang droga sa comfort room.

Nagsagawa naman ng follow up operation ang mga awtoridad sa dalawa pang kasabwat ng suspek na kapwa at large.

Kasong RA 9165 o Dangerous Drugs Act ang inihahanda ng BI laban kay Almoete.

Pinuri naman ni BI Commissioner Jaime Morente ang kanyang mga tauhan gayundin ang PNP sa pagkahuli sa suspek.

“These criminals attempted to smuggle and sell narcotics inside our facility. We will not allow them to use our detention center as a market for their illegal drug trade,” ani Morente.

Ang BI detention center ay nagsisilbing pansamantalang holding facility ng mga nahuhuling foreign nationals habang hinihintay ang kanilang deportation. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)