Bakbakan dapat ng Senado ‘yang former chief ng Philippine National Police (PNP) na si Alan Purisima kaugnay ng iregularidad sa pagbili ng P1.893 bilyong halaga ng patrol vehicles.
Nagngingitngit itong si Sen. Grace Poe dahil lumitaw sa pagbubusisi ng Commission on Audit (COA) na walang-silbi ang mga naturang Mahindra patrol cars.
Ayon kay Poe, nagduda na siya noon pang 2014 sa terms of reference ng bidding.
Mukhang lutong-Macau para paboran ang Mahindra, ika nga at may kumita.
Sabi ng senadora, “[The terms] apparently were tailored-fit for Mahindra, effectively eliminating all the other more known brands with track record and countrywide presence as far as service centers are concerned from competing.”
Dapat lang na tanggalan ng maskara ang ang mga sumawsaw riyan sa P1.8 bilyon na pondo ng PNP para bilhin ang mga sasakyang Mahindra Enforcer at Mahindra Scorpio in 2015.
Nang gamitin na ang mga naturang patrol cars, lumitaw na pupugak-pugak ang mga ito.
Ultimong mga pulis na nakapanayam ng Commission on Audit (COA) ang nagsabing “unsatisfied” sila sa overall performance ng mga naturang sasakyan.
Sa madaling salita, bulok!
Aba’y inireklamo pa ng parak ang mga sasakyan na may high fuel consumption.
“Other complaints cited frequent breakdowns, poor after sales services, and a limited availability of spare parts that impacted on its vision of a more capable, effective and credible police force,” ani Poe.
Malinaw pa sa sikat ng araw na hindi pasado ang mga sasakyan sa “operational needs assessment” ngunit binili pa rin ng PNP sa pamumuno ni Purisima.
Hindi pinakinabangan ang marami sa total 2,054 units na pinagkagastusan ng PNP.
Palibhasa kinunsinti ng ungas sa Palasyo ‘yang si Purisima.
Bulok na bulok naman ang style!
***
Matutunghayan ang inyong lingkod 10AM-11AM sa Radyo Pilipinas, 738AM band Lunes-Biyernes. Mapanonood din ang programa sa aking Facebook sa Erwin Tulfo Live @erwintulforeal. Welcome po ang inyong mga reaksyon, opinyon at reklamo. Ipadala sa [email protected] o bisitahin nyo kami sa ERWIN TULFO CENTER For Media and Public Service, Room 303 Castro Bldg., #58 Timog Avenue, Quezon City (taas ng PSBank). – DEADSHOT NI TULFO