Marami nang opisyal ng Philippine National Police sa Metro Manila ang nasibak mula sa kani-kanilang pwesto sapagkat ayaw na ayaw ni Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga tamad, natutulog, palpak at pusakal na pulis na nasasakupan sa National Capital Region Police Office.
Ang gusto ni Eleazar ay matitino at maasahang pulis.
Pero, bakit si Eleazar lamang ang masipag maglinis ng mga gagong pulis sa PNP?
Bakit hindi kumikilos ang mga opisyal sa iba’t ibang rehiyon?
Sa Metro Manila lang ba mayroong balasubas na pulis?
Nagtatanong lang po.
BELMONTE PINASALAMATAN NG TRICYCLE GROUP
Kapag umaksyon nang mabilis ang opisyal ng pamahalaan, pihadong kilalanin ang aksyong ito ng organisasyon ng mga pangkaraniwang tao.
Tulad halimbawa ng ginawa ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa problema ng mga tricycle driver sa lungsod.
“Para sa aming pagkilala at taos pusong pasasalamat sa dagliang pagresolba, pagbibigay solusyon at tulong sa problemang hinaharap ng mga kapatid namin sa hanapbuhay sa tatlong gulong,” banggit ng 3-Gulong Philippines, samahan ng tricycle drivers at operators sa Quezon City.
Ang suliraning binabanggit natin ay ang pagbabawal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na dumaan ang mga tricycle sa malalaking kalsada.
Sabi ni Belmonte, “Ipinaglaban ko ang karapatan ninyong maghatid ng mga mag-aaral sa mga paaralan basta’t hindi kayo overloaded, colorum o out-of-line.
“Ipinaglaban ko rin ang karapatan ninyong dumaan sa mga national road kapag walang alternatibong daan basta ba kasama ito sa ruta ng inyong prangkisa na siyang naisaordinansa ng Sangguniang Panlungsod, at hindi kayo sagabal sa pagdaloy ng trapiko.”
BUSINESS-FRIENDLY CALOOCAN
Simula nang maging alkalde si Mayor Oscar Malapitan ng Caloocan City, dumami na ang namuhunan sa lungsod.
Kaya, lumaki rin ang kita ng lungsod kada taon.
Isa sa bagong business firm sa lungsod ay ang Starbucks na kabubukas lang.
Sabi ni Malapitan, “This is what I pledged to the people of Caloocan – a business-friendly city that is conducive even for international brands.”
“Seeing the results of our hard work in the past years is a good reminder that Caloocan is in the right track towards our common dream to make Caloocan a premier and world-class city,” susog ni Malapitan.
– BADILLA NGAYON NI NELSON S. BADILLA