PUSLIT NA SIGARILYO TALAMAK SA BANSA

PUSLIT NA SIGARILYO TALAMAK SA BANSA

March 5, 2021 @ 12:08 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

MALAKI pala ang nawawala sa gobyerno bunsod sa malawakang cigarette smuggling sa bansa, ayon sa pagbubunyag ni ways and means committee Chairman Rep. Joey Salceda.

Isinampal ng naturang kongresista sa mga mukha ng BIR, BOC at Philippine Economic Zone Authority ang taunang lugi nitong P30 bilyon sa isinagawang pagdinig sa Kongreso kamakailan bunsod umano sa maluwag na pagpapatupad ng batas.

Sa datos nga naman ng DOF noong nakaraang taon, halos kalahati ng kontrabandong nasabat ng BOC ay puslit na sigarilyong karamihan ay mula sa China kung saan umabot ito ng P5.22 bilyon.

Nakababahala nga na sa kabuuang P9.75 bilyong nasamsam ng BOC noong 2020, 50 porsyento nito ay iligal na sigarilyong hindi na matigil ang pagpasok sa bansa sa kabila nang halos araw-araw na lang ay may nakukumpiska ang mga otoridad.

Kung iikutin kasi ang kasulok-sulokan ng bansa, nakupo, karamihan sa ibinebenta ng mga tindahan ay pekeng Mighty at Two Moon na brand ng yosi na kargado raw ng formaline na ginagamit na pang-embalsamo ng patay.

Kahit inirekomenda pa ng Bikolanong kongresista na kailangan baguhin ng BIR ang kautusan nitong ipinalabas noong 2015 na exempted ang manufacturers ng sigarilyo sa tax stamps, hindi talaga masawata ang pagpupuslit nito sa mga puerto ng bansa dahil lumalabas na may kakutsaba silang ilang buwayang kawani ng BOC kaya pinalulusot talaga ang mga kontrabandong ‘yan sa nguso ng ahensyang ito.

Paano ba naman mangyayari ang iminungkahi ni Cong. Joey na ang mahigpit na pagpapatupad ng customs regulations na siyang susi upang maiwasan ang talamak na palusot na ito kung hindi naman seryoso ang mga otoridad dahil kanilang pinagkakakitaan ang mga importer ng yosi?

Nakikita ba naman ng mga mata ng sambayanan na ang eksaktong kahon-kahon ng sigarilyong iniuulat na nasabat ng BOC ay siya ring sinusunog nito?

Tangna, gaano kaya katotoo na may ilang ninja cops din sa BOC na pagkatapos mahuli ang mga sigarilyong ‘yan ay ibebenta na naman ito sa black market?

Aba’y kahit sandamakmak pa na legislative amendments ang isulong ng Bikolanong kongresista kung ang problema talaga ay ang baluktot at tiwaling kaisipan ng mga nagpapatupad, hindi marerekober ng gobyerno ang nawawala nitong buwis mula sa sigarilyong ‘yan.

 

Ibig sabihin, habang may mga ganid at gahaman sa kwartang opisyal ng BOC at iba pang ahensyang responsable sa enforcement ng batas laban sa cigarette smuggling na ‘yan, hindi rin ito matitigil.

 

LOTTENG SA CALABARZON AT JUETENG SA CAPIZ ‘DI MATIBAG

 

Matibay pa sa makapal na adobeng pader ang sinasandalan ng isang Edwin Ramos sa CALABARZON kaya hindi umano magiba ang bookies ng lotteng nito, ayon sa sumbong na ipinarating sa atin mula sa ilang asset sa eryang ‘yan.

 

Sa Bay, Laguna pa lang daw na nasa hurisdiksyon ni P/Major. Joe Tursio, hindi na hinuhuli ang mga kabo ng nabanggit na financier at protektado raw ito ng kapulisang ipinagyayabang pa nito sa madlang pipol.

Maging sa iba pang bayan ng ilang lalawigan dito ay mistulang ligal na ang lotteng ng kumag na ito at hindi man lang sinisita ng mga otoridad.

Kilos naman d’yan Region-4A Director BGen. Felipe Natividad at mukhang binubulag ka na yata ng mga hepe mo riyan, sir.

Pasyalan naman natin ang iligal na STL sa erya ni Capiz Governor Esteban Evans Contreras at lalo pa yatang lumakas ang operasyon nito sa kabila ng pagbubunyag ng pasugalang ‘yan sa taumbayan.

Kaya pala malakas ang loob nitong si Darren San Antonio na ipagkalat sa buong lalawigan na protektado ang iligal na sugal na ito, dahil bitbit niya ang pangalan ng naturang gobernador.

Lumalabas din sa ipinaabot sa atin na impormasyon na itong inginusong kolektor na bitbit ang ilang opisyal ng Kampo Crame na isang alyas Aguas at may code name na Berlin ay hawak umano ng isang kernel na itinuturong nasa likod ng iba pang operasyon ng jueteng sa ilang lalawigan ng bansa.

Paging PNP Chief Gen. Debold Sinas, paki imbestigahan naman itong gumagamit ng pangalan mo, sir.


  •  
  •  
  •