PUV fare discount, sa piling ruta lang – LTFRB

PUV fare discount, sa piling ruta lang – LTFRB

March 17, 2023 @ 7:52 AM 7 days ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Huwebes, Marso 16 na ang planong fare discount sa public utility vehicles ay para lamang sa mga piling ruta.

“Across the country, pero select routes because of the limited funds. It should be high-demand routes, mataas ang ridership para maramdaman ‘yung level of service at itong service contracting program,” pahayag ni LTFRB Technical Division Head Joel Bolano sa panayam ng CNN Philippines.

Hindi naman binanggit ni Bolano ang specific routes na sakop ng programa.

Nauna nang inanunsyo ng LTFRB na plano nitong tapyasan ang kasalukuyang minimum fare na P12 sa mga jeepney sa pre-pandemic rate nito na P9 sa pamamagitan ng service contracting program, na may nakalaang badyet na P1.2 bilyon.

Siniguro naman ni Bolano sa mga tsuper na matatanggap pa rin ng mga drayber ang P3 deficit sa naturang programa.

“‘Yung discount po, hindi mababawas sa driver. Babayaran po ‘yan ng ating pamahalaan, isa-subsidize po ‘yan,” giit niya.

Samantala, nababahala naman ang grupong PISTON sa naturang programa dahil posibleng papaboran lamang nito ang mga jeepney drivers na may consolidated franchise na, na may kaugnayan pa rin PUV modernization program ng pamahalaan.

“Ang pangamba namin dito ay baka gamitin ito ng pamahalaan na ekslusibo lang sa mga consolidated na prangkisa, para sapilitang itulak pa rin ang phaseout,” pahayag ni PISTON national president Mody Floranda.

Kamakailan lamang ay nagkasa ng week-long strike ang ilang transport groups laban sa modernization program na agad namang nasolusyunan ng Malacañang matapos itong pumayag na pag-aralan pa ang naturang polisiya. RNT/JGC