PUV modernization program, tuloy – Bautista

PUV modernization program, tuloy – Bautista

February 28, 2023 @ 5:36 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sa gitna ng plano ng transport groups na magsagawa ng week-long strike, nanindigan si Transportation Secretary Jaime Bautista na kailangang gawing makabago ang public utility vehicles.

Isasagawa ang transport holiday sa National Capital Region at Region 3 mula March 6 hanggang 12 na inaasahang lalahukan ng mahigit 100,000 indibidwal upang ihayag ang oposisyon sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.

“‘Yung pagbasura ng modernization program natin ay siguro ay hindi naman tama. Kailangan imodernize natin ‘yung ating public utility vehicles… ang tawag ko nga diyan ‘yung CASA sa amin sa transport sector, CASA is very important no? CASA means na convenient, accessible, safe and secure, and affordable,” giit ni Bautista.

“‘Yan ang laging pinag-iisipan namin sa transport sector and kung hindi mamomodernize yung PUVs, hindi natin maiimplement ‘yung CASA program ng Department of Transportation,” dagdag niya.

Nauna nang inihayag ni Bautista ang intensyon na makipagdayalogo sa transport groups fbago magsagawa ang huli ng week-long strike na maaaring makaparalisa sa transport system.

Sinabi ng Transportation chief na nakausap niya ang isa sa transport group leaders na si Mar Valbuena, sa isang phone call at sinabing bukas ang huli sa dayalogo.

“Maayos naman. I also talked to some groups, isang grupo naman na very supportive of the project of the government to modernize our PUVs. Kasi recognition na ito ay para sa mas nakakarami… kasi dapat isipin natin what is good for the commuters,” ani Bautista.

Target ng PUV modernization program na palitan ang traditional jeepneys ng mga sasakyan na pinatatakbo ng mas environment-friendly fuels. Maaaring mag-apply ang mga operator at driver para sa bagong prangkisa, subalit bilang parte ng transport cooperatives.

Ilang mga driver ng jeep ang umapela sa pamahalaan na bigyan sila ng sapat na oras para lumipat sa modern jeepneys, subalit hanggang Hunyo 30 lamang ang itinakdang palugit ng LTFRB para makasunod sa panukala.

Sinabi ni Bautista na sakaling matuloy ang transport strike, nakipag-usap na ang DOTr sa ibang sektor para sa transportasyon ng commuters.

“Mayroon kaming arrangement with other sectors, for example ‘yung Coast Guard, available ‘yung mga sasakyan, other government agencies, ‘yung MMDA, madami namang susupport sa atin,” ani Bautista. RNT/SA