PUV modernization walang pondo sa 2023 budget

PUV modernization walang pondo sa 2023 budget

September 13, 2022 @ 1:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Walang pondo sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) ang Public Utility Vehicles (PUVs), ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations kung saan sumalang ang P167B 2023 proposed budget ng DOTr sinabi ni Undersecretary Steve Pastor na nasa P778M ang kanilang hiningi para sa PUV modernization program subalit hindi ito inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).

Agad naman itong binatikos ni Kabataan Partylist Rep Raoul Manuel, aniya, isinusulong ng pamahalaan ang modernisasyon ng mga pampasaherong jeep subalit hindi ito pinondohan, umapela ang mambabatas sa Kongreso na tugunan ang problemang ito sa pamamagitan ng pagtiyak na mabibigyan ng alokasyon ang programa.

Sinabi ni Pastor na sa ilalim ng programa ay nasa P160,000 equity subsidy ang ibinibigay ng gobyerno para sa mga driver/ operator na nais kumuha ng modern PUV.

Nabatid na ang modern jeep ay nagkakahalaga ng P1.4M hanggang P2.8M.

Sa datos ng DoTR ay nasa 10% lamang ng PUVs ang namodernisa o katumbas ito g 5,300 modernized units at 300 na electric units. Gail Mendoza