PUV ops sa NCR, balik-normal na

PUV ops sa NCR, balik-normal na

March 7, 2023 @ 4:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagbalik na sa normal na operasyon ang public utility vehicles (PUV) sa National Capital Region (NCR) sa kabila ng may isolated o nakahiwalay na presensiya ng mga raliyesta na makikita sa ilang bahagi ng metropolis.

Sa ulat ng  Inter-Agency Task Force on Tigil Pasada, ang mga ruta na ibinigay para sa Libreng Sakay ay nasa ilalim na ng  normal na operasyon at wala namang naiulat na na- stranded na mga mananakay.

Base sa naging pagtataya ng task force, ang mga protester ay naka-monitor sa Heritage sa Baclaran, Old Terminal sa Alabang, Monumento sa Caloocan City at Catmon/St. Francis St. sa Malabon.

Matagumpay naman na natulungan ng  mga local government units (LGUs) sa Kalakhang Maynila at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang mga mananakay  na naapektuhan ng tigil-pasada, na ayon sa mga awtoridad ay nabigong magdulot ng major disruption sa public transportation sa metropolis.

Nauna rito, sa naging ulat  ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at  Office of Civil Defense (OCD), ang pinagsamang puwersa ng LGUs at national government agencies ay nakapaglingkod sa 4,794 pasahero mula sa 130 na sasakyan na ginamit  bilang pantapat sa nasabing tigil-pasada.

Ang mga ahensiya  at LGUs na nakapaglingkod sa malaking bilang ng mga mananakay ay ang MMDA, Lungsod ng Maynila at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Hanggang nitong Marso 6, wala namang naiulat na insidente na nangangailangan ng emergency preparedness at asset deployment.

Bago pa ang transport group strike, araw ng Lunes, Marso 6, bumalangkas ang pamahalaan ng contingencies para bawasan ang epekto ng  disturbance o  pagkabalisa sa commuting public.

Kasama naman sa naghanda para pagaanin ang epekto ng tigil-pasada ay an  MMDA, Office of the Executive Secretary, OCD-NCR, Department of Transportation (DOTr), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education, National Capital Region Police Office (NCRPO), at ang  Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR).

Ang Transport group Manibela ang pasimuno ng  weeklong strike sa Kalakhang Maynila mula Marso 6 hanggang 12, hayagang kumokontra sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Kris Jose