PVL ibinida ang mga import sa Reinforced Conference

PVL ibinida ang mga import sa Reinforced Conference

October 5, 2022 @ 3:45 PM 2 months ago


MANILA – Muling ibinabalik ng Premier Volleyball League (PVL) ang mga guest import sa pagsisimula nito sa 2022 Reinforced Conference sa Sabado.

Ito ang unang pagkakataon para sa mga koponan ng PVL na magparada ng mga dayuhang reinforcement mula nang sumiklab ang pandemya.

Ang mga laro ay unang gaganapin sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.

“We’re very happy na pwede nang magkaroon ng guest players ang ating mga club teams. Kasi nawala ito ng mahigit dalawang taon dahil sa pandemic. Siguradong magiging more competitive ang teams, ang spectators mas gaganahang manood,” ani PVL president Ricky Palou.

Ang mga tagahanga ay papayagang manood ng mga laro ng live bagama’t ang mga nabakunahan lamang ang papayagang makapasok sa mga lugar ng kumpetisyon.

Magkakaroon ang Creamline ng Turkish spiker na si Yeliz Basa, bilang guest player habang ang sister team na si Choco Mucho ay magdadala ng Uzbek-Azerbaijani hitter na si Odina Aliyeva.

Pinapirma ng Chery Tiggo si Jelena Cvijovic ng Romania, habang ang Akari ay tinapik ang 3-time Olympian na si Prisilla Rivera ng Dominican Republic.

Babalik naman si American import Lindsay Stalzer sa F2 Logistics, ang Russian outside hitter na si Elena Savkina-Samoilenko ay magpapalakas ng PLDT, at isa pang American Tai Bierria ang magiging guest player ng Cignal.

Pinirmahan ng Petro Gazz ang American outside hitter na si Lindsey Vander Weide, habang si Canadian spiker Laura “Loudy” Condotta  ay sa United Auctioneers-Army.

Idinagdag ni Palou na plano nilang ipakilala ang video challenge ngayong conference, kahit na hinihintay nila ang pagdating ng mga kinakailangang kagamitan.

Iikot ang mga laro sa apat na lugar: Philsports Arena, Ynares Center sa Antipolo, Sta. Rosa Sports Complex, at MOA Arena.

Sinabi ni Palou na nagpasya silang payagan ang mga club na magdala lamang ng isang import habang sila ay bumabangon mula sa epekto sa ekonomiya ng pandemya.

“Dati ang pinapakuha namin sa mga clubs two imports. E ngayon nakiusap ang mga team because they are recoving from the pandemic kung pwedeng one import lang muna,” ani Palou.

“Despite this mas tataas pa rin ang level ng play. Alam mo naman ‘pag may import mas tumataas ang level of play; pati locals ginaganahan sila. Magiging mabuti ito para sa liga.”

“Sana sa susunod na reinforced conference babalik na kami sa two guest players na.”RICO NAVARRO