PWD ID, inihihirit na gawing permanente na

PWD ID, inihihirit na gawing permanente na

September 23, 2022 @ 3:38 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Humirit si Quezon City 5th District Councilor Alfred Vargas sa mga local government units (LGUs) na gawing lifetime o panghabangbuhay ang validity ng mga identification card (ID) ng persons with disability (PWD) o may kapansanan.

Ayon kay Vargas, hindi dapat ipagkait sa mga may kapansanan ang mga benepisyong ibinibigay sa kanila ng batas dahil lamang hindi nila na-renew and kanilang mga ID card. Dahil dito, naghain ng ordinansa ang konsehal na maaaring gawing halimbawa ng ibang bayan at lungsod.

“Ang pagkakait ng mga benepisyong ito dahil sa expired PWD ID cards ay hindi ayon sa diwa ng Magna Carta for Persons with Disability at iba pang mga batas na nagpapalawig sa mga benepisyo at pribilehiyo ng mga may kapansanan,” mungkahi ng konsehal.

Ayon pa kay Vargas sa pagsulong ng mga patakaran, dapat umanong isaalang-alang ng mga LGUs ang ikagagaan ng pasanin ng ating mga kababayan na may kapansanan.

Sinabi pa ng konsehal na habang nauunawaan nya na ang paglalagay ng validity period ay isang safeguard para tiyakin na tanging mga kwalipikado lamang na residente ang makakakuha ng benepisyo, may mga kapansanan na ayon naman sa syensya at medisina ay hindi nawawala o nababago sa loob ng validity period ng mga PWD card.

“Dagdag pasanin din ito sa mga pamilya ng PWD na hindi nakakariwasa sa buhay, dahil sila ang napipilitang tumustos sa gastos ng gamot, konsultasyon, diagnostics, at iba pang pangangailangan ng PWD habang naghihintay na marenew ang PWD card,” ayon kay Vargas.

Sa panukalang ordinansa nito ang City Health Department ay kokonsulta rin sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO) upang gumawa ng listahan ng mga kapansanan na maituturing na permanente o pangmatagalan. Santi Celario