PWDs isasama sa Cash-For-Work program – DSWD

PWDs isasama sa Cash-For-Work program – DSWD

December 4, 2022 @ 12:35 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipapasok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga Persons with Disabilities (PWDs) sa Cash-For-Work program ng ahensya.

Ito ang sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo nitong Sabado, Disyembre 3.

“Simula po ngayon kayo ay kasama na diyan sa tinatawag na Cash-For-Work program ng DSWD sa inyo pong komunidad,” ani Tulfo kasabay ng “BUHAYnihan” event sa Pililla, Rizal sa pagdiriwang ng International Day of Persons with Disabilities.

Aniya, karaniwang napag-iiwanan ang PWDs sa bansa o kaya naman ay nalilimutan ng lipunan.

Dahil dito ay ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa DSWD na tulungan at gumawa ng mga oportunidad para sa mga ito.

Sa naturang programa, makatatanggap ng hanggang P4,000 ang mga PWDs bilang cash assistance sa kanilang paglahok sa iba’t ibang community work o services.

Samantala, sa media briefing ay sinabi ni Tulfo na hindi pa kasama sa budget ng DSWD sa 2023 ang nabanggit na cash assistance sa mga PWD ngunit maaari itong makuha sa ibang programa tulad ng
KALAHI-CIDSS Kapit Bisig Laban sa Kahirapan at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Dagdag pa, nakatakdang umapela si Tulfo sa Kongreso para sa monthly compensation ng mga PWD. RNT/JGC