PWDs, solo parents sa Mendez, Cavite inayudahan ni Bong Go

PWDs, solo parents sa Mendez, Cavite inayudahan ni Bong Go

March 3, 2023 @ 2:31 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Personal na pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go, kasama si Senator Francis “Tol” Tolentino, ang relief effort para sa mga may kapansanan at solo parents sa Mendez, Cavite bilang bahagi ng kanyang pangako na patuloy na susuportahan ang marginalized sector upang malampasan ang krisis sa kalusugan.

Namahagi si Go at ang kanyang team ng grocery packs, bitamina, kamiseta, at meryenda sa 1,000 mahihirap na Caviteño sa municipal covered court.

Namigay rin sila ng cellular phone, relo, bisikleta, sapatos, at bola para sa volleyball at basketball sa mga piling benepisyaryo.

“Asahan niyo po na hinding-hindi po kayo pababayaan ng gobyernong palaging nagmamalasakit sa inyo. Ipaglalaban ko po palagi ang inyong kapakanan lalo na yung mga walang-wala. Basta patuloy niyo lang din po suportahan ang gobyerno at magtulungan po tayo dahil nais po namin siguraduhin na there should be no Filipino left behind towards recovery,” idiniin ni Go.

Nagpaabot din ang Department of Social Welfare and Development ng tulong pinansyal sa bawat residente.

Si Go, na nagsisilbing pinuno ng Senate Committee on Health and Demography, ay nag-alok din sa mga Caviteño na nangangailangan ng tulong medikal.

Hinimok niya ang mga ito na humingi ng serbisyo ng Malasakit Centers sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City at sa Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor City.

Unang itinatag noong 2018, ang Malasakit Centers program ay nagbibigay tulong medikal na iniaalok ng gobyerno, kabilang ang DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

“Kung may nararamdaman po kayo, kung sakit man sa puso o kung ano pa pong sakit, ‘wag niyo na pong patagalin. Naiintindihan ko po na minsan ay nag-aalangan ang iba na magpatingin sa ospital pero may Malasakit Center na po diyan sa mga siyudad ng Trece Martires at Bacoor kaya napakadali na pong kumuha ng tulong pang-medikal galing sa gobyerno,” ani Go.

Limang taon mula nang maitatag, mayroon na ngayong 155 Malasakit Centers sa buong bansa. Si Go ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act.

Dagdag pa ni Go, magkakaroon din ng mga Super Health Center sa lalawigan na matatagpuan sa mga lungsod ng Bacoor, Imus, General Trias, Tagaytay at Dasmariñas, gayundin sa mga bayan ng Alfonso, Carmona, Tanza, General Mariano Alvarez, Rosario, Kawit at Magallanes. RNT