PWEDE NANG HINDI MAG-FACEMASK PERO…

PWEDE NANG HINDI MAG-FACEMASK PERO…

September 13, 2022 @ 2:17 PM 2 weeks ago


INANUNSYO na ng pamahalaan ang mas relaks na patakaran laban sa coronavirus disease-19 sa pamamagitan ni Press Secretary Trixie Angeles.

Mismong ang Department of Health ang nagtakda ng mga patakaran ukol dito.

Pwede nang hindi magsuot ang mga mamamayan ng facemask.

Pero boluntaryo ito at walang sapilitan.

Kaya lang hindi buo ang kalayaan nating gumawa nito.

Kailangan pa rin nating magsuot nito sa mga nakatakdang lugar at sitwasyon bilang pagsunod sa tinatawag na Minimum Public Health Standard.

MGA HANGGANAN

Ayon kay Sec. Angeles, mga Bro, pwedeng hindi magsuot ang mga mamamayan sa mga open space na walang pagtitipon-tipon o kumpulan ng mga tao.

Pampublikong lugar man o pribado ang nasabing lugar.

Pero kailangang magsuot ang mga senior citizen at mahina ang pangangatawan o immune system gaya ng mga may malalang sakit.

Kailangan ding mag-facemask kung imposibleng magkaroon ng social distancing.

Lahat din na sumasakay sa mga pampublikong transportasyon sa lupa, dagat at kalawakan ay kailangang mag-suot nito.

Kailangan ding mag-facemask ang lahat ng mga pumapasok sa mga gusali ng pamahalaan at mga pribadong gusali kung halos walang bentilasyon sa mga ito.

3 BUWANG STATE OF CALAMITY

Mananatili naman ang state of calamity kaugnay ng pandemya sa loob ng tatlong buwan.

Subalit pangunahing layon nitong tugunan ang pagpapanatili ng pagbibigay ng benepisyo, allowance at pananagutan sa mga nasasawi, nasusugatan at nagkakasakit na mga health worker.

Kasama sa mga health worker hindi lang ang mga doktor at nars kundi maging ang mga midwife, nagbabakuna, radiologist, paramedic at iba pang kumikilos laban sa COVID-19.

Alalahaning hindi pa ganap na napupuksa ang pandemya kaya naman may mga namamatay, nagkakasakit at naoospital pa rin.

At sila ang pinaglalaanan ng buhay, kalusugan at iba pang mga sakripisyo ng mga health worker.

MGA KABATAANG MAG-AARAL

Naaalala rin natin ngayon ang mahigit 27 milyong mag-aaral sa buong bansa.

Milyon na rin ang nababakunahan sa mga ito at maging ang kanilang mga titser at empleyado ng mga eskwela.

Subalit kulang pa rin ang mga bakunado sa mga ito.

Kaya naman, kailangan nating obserbahan sila…kung magkakasakit sila o hindi.

Lalo’t kabilang sila, lalo na ang mga murang-mura ang edad, sa mga sinasabing vulnerable o posibleng madaling kapitan ng COVID-19.

Dito dapat istriktong ipatupad ang minimum public health standard.

Una, kung magkumpulan sila sa mga traysikel at iba pang school service ay ganu’n na lamang.

Ikalawa, walang nakatitiyak na ligtas ang mga tsuper at iba pang tao sa mga school service na ginagamit nila.

Ikatlo, may social distancing man sa loob ng iskul, katotohanan pa ring maramihan sila kung magsama-sama at hindi imposibleng magkakahawaan kung may magkakasakit.

MAGPABAKUNA

Sa gitna ng lahat, libre hanggang sa ngayon ang pagbabakuna laban sa COVID-19.

At alam ba ninyo na bukas ang lahat ng mga lokal na pamahalaan para sa programang ito?

Dapat nating samantalahin ang libreng bakuna, kasama na ang mga booster.

Para sa mga hindi pa nababakunahan, plis lang, magpabakuna na rin tayo para sama-sama tayong mailigtas ang bawat isa sa pandemya.