PWESTUHAN SA PNP, MAGULO? 

PWESTUHAN SA PNP, MAGULO? 

September 29, 2022 @ 6:43 PM 2 months ago


KUNG ang Police Non-Commissioned Officers ay nagrereklamo kaugnay sa kanilang promotion, nagrereklamo rin naman ang Police Commissioned Officers kaugnay sa puwesto nila sa Philippine National Police.

Pag-upo pa lang ng bagong administrasyon sa nasabing organisasyon, nagkaroon na ng problema sa puwestuhan.

Maaaring hindi maamin ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin na may problema sa kanyang pamunuan pero dapat niyang makita ang kanyang pagkakamali.

Syempre, naipwesto na niya ang kanyang mga paboritong opisyal at tauhan sa ‘juicy post’ kaya’t wala siyang pakialam kung marami sa mga opisyal na kanyang sinibak ay nasa ‘floating status’.

Maraming mga opisyal din bagaman nakapwesto ang nagrereklamo dahil hindi nila alam ang gagawin sa mga floating na kapwa nila opisyal.

Ang regional directors, lalo na ang nasa Visayas at Mindanao, ay natataranta dahil pawang sa kanilang region nakatago ang mga opisyal na hindi nagkaswerteng makasungkit ng pwesto.

Sabi nga ng isang kakilala kong RD sa Mindanao, dapat daw bago nagpwesto ang PNP headquarters ng mga tauhan at opisyal nila, dapat ay hinanapan muna ng pagpupuwestuhan ang mga sinibak.

Syempre, wala silang pakialam kung maraming naapektuhan ng kanilang “kapritso” basta ang mahalaga nakapuwesto ang mga “bata” at “paborito” nila.

Katwiran pa nga nila sa Camp Crame, ganoon talaga, “weather, weather lang talaga”, siyempre panahon nila ngayon, maghintay yung mga floating ng panahon naman nila.