QC gov’t nagbabala sa publiko vs fixer

QC gov’t nagbabala sa publiko vs fixer

September 12, 2022 @ 12:40 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang Quezon City government laban sa mga indibidwal na namemeke ng mga dokumento para makakuha ng persons with disability (PWD) ID kasunod ng pagkakaaresto sa isang umano’y fixer.

Ayon sa QC governement, nitong nakalipas na Martes, nahuli ng Quezon City Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa tulong ng City Legal Department at Quezon City Police District ang isang indibidwal na umano’y namemeke ng mga dokumentong mapaparusahan sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code.

Ang umano’y fixer ay nagsumite ng mga manufactured medical certificates sa QCE-Services Portal para sa ilang indibidwal na naga-apply para sa PWD ID sa ilalim ng pagkukunwari ng pagkakaroon ng Diabetes Mellitus at Dyslipidemia.

Kaugnay nito, nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng PDAO sa doktor na sinasabing nagsagawa ng medical assessment para sa mga fictitious patients. Pinatunayan niya sa pamamagitan ng kanyang kalihim na ang mga pangalang lumabas sa nasabing mga sertipiko ay wala sa kanilang database.

“Naging mahigpit ang pamahalaang lungsod sa pagtatasa at pagproseso ng lahat ng aplikasyon ng PWD ID para maiwasan ang ganitong uri ng maling representasyon. Hindi natin papayagan ang ganitong klaseng gawain sa ating lungsod na makakaapekto sa kapakanan at karapatan ng ating mga mamamayan lalo na ‘yung mga nabibilang sa mga vulnerable sector tulad ng PWDs,” sabi ni Mayor Joy Belmonte.

Naglabas na ng resolusyon ang City Prosecutor na pinagsasama-sama ang mga reklamong inihain ng QCPDAO laban sa fixer, kabilang ang paglabag sa City Ordinance 1656-2006 at Article 172 Paragraph 3 ng Revised Penal Code laban sa paggamit ng mga pekeng dokumento na may piyansang aabot sa P18,000.

Habang inilipat ng pamahalaang lungsod ang mga serbisyo nito online, nakita ng PDAO ang mga taong nagtatangkang magsumite ng mga gawa-gawang dokumento para lamang makakuha ng PWD ID na magagamit para makakuha ng iba’t ibang diskwento at benepisyo.

Ayon kay QC PDAO Officer-in-Charge Ms. Debbie Dacanay, inatasan na ni Mayor Belmonte ang Quezon City General Hospital na magbigay ng libreng medical assessment para sa mga indigent PWDs na may non-apparent na kapansanan ayon sa rekomendasyon ng kanilang departamento. Santi Celario