QC host ng Earth House 2023!

QC host ng Earth House 2023!

March 10, 2023 @ 7:56 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – AABOT sa 10,000 evacuees ang inililikas ng Quezon City government sa mga ligtas na lugar sa tuwing dumarating ang bagyo at iba pang kalamidad sa bansa dahil sa epekto ng Climate change.

Ito ang sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte nitong Biyernes, Marso 10 na sinabing malaki ang epekto ng climate change partikular sa mga residente ng lungsod sa tuwing dumarating ang bagyo.

Sa press conference, sinabi ni Belmonte na bukod sa pag-evacuate sa mga residente na apektado ng bagyo dulot ng climate change, malaki rin ang ginugugol ng lungsod sa gastusin para sa pagbili ng pagkain ng mga inilikas na residente.

Kaugnay nito, kinikilala bilang pinakamalaking lungsod sa pangunguna sa climate action sa bansa, ang Quezon City rin ang itinanghal na host para sa pagdiriwang ng Earth Hour sa bansa sa Marso 25 sa Quezon Memorial Circle, sa pakikipagtulungan ng World Wide Fund for Nature – Philippines (WWF-Philippines).

Sasamahan ng lungsod ang higit sa 7,000 lungsod mula sa 193 na bansa para gunitain ang Earth Hour, na itinuturing na isa sa pinakamalaking grassroots environmental movements sa mundo.

“Local Government Units like Quezon City play a big part in raising awareness about the threats of climate change among our constituents. That’s why every environmental program and initiative we have established and are currently planning are inclusive and responsive to the circumstances of our people,” ani Mayor Belmonte.

Ayon sa QC government, sa Marso 25 sa ganap na 8:30 ng gabi ay papatayin ng pamahalaang lungsod ang mga ilaw ng pylon sa Quezon Memorial Circle at iba pang mga gusaling pinapatakbo ng pamahalaang lungsod sa loob ng isang oras.

Hinihikayat din ang QCitizens at mga may-ari ng negosyo na patayin ang kanilang mga hindi mahahalagang ilaw.

“The city’s participation in Earth Hour signifies our strong commitment to push for climate justice as we head towards advancing inclusive, ambitious, and evidence-based climate action to provide a livable and quality community for all,” dagdag ni Belmonte.

Bago ang switch off activity sa ika-25, ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng QC Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD) at Gender and Development Council Office (GAD) ay maghohost din ng Padyak ng Kababaihan para sa Kalikasan cycling event at isang scavenger hunt para sa ang kabataan.

Iba’t ibang non-government organizations at social enterprises na may climate at environment advocacies ay magtatayo rin ng mga booth sa paligid ng lugar ng Liwasang Aurora. Santi Celario