QC legal office handang tumulong sa mga magulang, stude sa kaso vs SanLo

QC legal office handang tumulong sa mga magulang, stude sa kaso vs SanLo

August 18, 2022 @ 8:31 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Maaaring maharap sa legal na asunto ang Colegio de San Lorenzo dahil sa biglaan nitong pagsasara, ayon sa Quezon City legal department.

Sinabi ni city legal counsel Orlando Paolo Casimiro sa Philippine News Agency na handa silang tumulong sa mga magulang, mag-aaral, guro, at non-teaching personnel sakaling nais nilang magsampa ng kaso laban sa paaralan.

“The possible legal action(s) against CDSL will be dependent upon those directly affected as well as on the CHED (Commission on Higher Education) and DepEd (Department of Education) who have jurisdiction over it as an educational institution. Mayor Joy Belmonte has instructed my Office through our Public Assistance and Legal Aid Office to assist those who have been affected by the incident,” ani Casimiro.

Dagdag pa ni Casimiro na iniimbestigahan na nila ang SanLo para sa mga posibleng paglabag sa mga lokal na ordinansa gayundin ang pagsunod sa mga kinakailangang permit na may kaugnayan sa operasyon ng mga paaralan.

Sa ngayon, prayoridad na muna nila ang pagtulong sa higit 1,300 displaced student para makahanap ito ng lilipatang eskwelaha dahil sa Agosto 22 na ang opisyal na pagsisimula ng School Year 2022-2023.

Nawalan din ng trabaho ang mga guro at non-teaching personnel ng paaralan dahil sa pagsasara.

Sa ngayon, maraming paaralan ang nagpahayag ng kahandaang tumanggap ng mga displaced na estudyante ng CDSL, at maging ang mga guro, at mga non-teaching personnel.

Samantala, isang task force na makikipag-ugnayan sa pamunuan ng CDSL ang nilikha na ng DepEd.

Sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa isang panayam sa media na may ipinadala na abiso para sa conference na nakatakda ngayong Huwebes sa mga may-ari at opisyal ng paaralan.

Sinabi ni Duterte na kabilang sa mga paksang nais niyang lutasin at pag-usapan sa may-ari ng paaralan at mga opisyal ay kung mayroon silang anumang plano na tulungan ang mga displaced learners. RNT