QC LGU mamimigay ng libreng gamot sa mga senior citizen

QC LGU mamimigay ng libreng gamot sa mga senior citizen

April 5, 2022 @ 1:12 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Pagkakalooban ng libreng gamot para sa maintenance ang may mga sakit na hypertension, diabetes at high cholesterol sa mga senior citizen sa lungsod ng Quezon.

Ito ang siyang inanunsyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte kahapon kung saan magsisimula ang pamamahagi ng gamot ngayon araw.

Ang mga health center sa naturang lungsod ay may mga gamot na Losartan (50mg/tab) at amlodipine (5mg/tab) para sa hypertension; metformin (500mg/tab) sa may sakit na diabetes, at simvastatin (20mg/tab) para naman sa high cholesterol.

Kailangan na magrehistro ang mga senior citizens sa https://quezoncity.gov.ph/covid-19-watch/hospitals-and-health-centers-directory at dapqt may senior citizen na identification card gayundin ang reseta mula sa doktor bago magtungo sa mga health centers.

Ang mga kwalipikadong mga matatanda ay pagkakalooban ng medisina kada buwan base sa kanilang pangangailangan.

Dahil dito, umani kaagad ng pasasalamat mula sa mga netizens ang programa ng QC LGU sa pamamagitan ng Facebook.

“Thank you, Mayor Joy Belmonte, together with the QC Government for your project for all senior citizens. God bless all of you,” post ni Charity Aleta.

Isa residente naman ang nagsabi na sana ay maglaan din ang city government ng mga libreng vitamins at maintenance medicines sa mga hindi pa naabot ang edad na 60 na nagtataglay din ng mga naturang sakit.

“Sana all libre,” post ni Norma Calimpusan Sebastian.

Ang free medicine program ay base na rin sa City Ordinance no. SP-2892 na ipinasa noong December 2019, at inilunsad lamang kamakailan para mas marami pa ang maabot na mga senior citizens.

Ayon kay Belmonte sa statement nito kahapon sinisikap ng city government na mabigyan ng mga medical services at assistance ang lahat ng residente sa siyudad.

“Sa pamamagitan ng programang ito, tutuldukan na natin ‘yung matagal nang suliranin ng mga mahihirap nating mamamayan, lalo na ng mga senior citizen, na walang pambili ng gamot pang-maintenance” pahayag ni Belmonte. Jan Sinocruz