QC Male Dormitory kinilalang Best City Jail sa NCR

QC Male Dormitory kinilalang Best City Jail sa NCR

August 31, 2022 @ 1:18 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ginawaran ng Bureau of Jail Management and Penology – National Capital Region ang Quezon City Male Dormitory (QCJMD) ng parangal bilang Best City Jail ng NCR.

Kinilala ng BJMP-NCR ang institusyon sa kanilang 31st Anniversary celebration sa The Elements sa Eton Centris noong nakaraang linggo. Ito ang unang pagkakataon na natanggap ng QC Jail Male Dorm ang ganitong pagkilala.

“Lubos na ikinagalak ng Lungsod Quezon ang pagkapanalo ng ating QCJ Male Dormitory bilang pinakamahusay na jail institution sa buong NCR. Patunay ito na naging mabisa ang pagsasabuhay nila ng kanilang tungkulin na maging pansamantalang tahanan para sa mga kababayan nating bumabangon mula sa kanilang kinakaharap na kaso,” ayon kay Mayor Joy Belmonte.

Maliban dito, nakatanggap din ng espesyal na parangal ang Quezon City government para sa patuloy na pagsuporta sa institusyon at pagbibigay ng ayuda para sa Persons Deprived of Liberty (PDL) sa buong taon.

“Binabati ko ang lahat ng kawani ng BJMP sa ating QC Male Dormitory, sa pangunguna ni Jail Superintendent Michelle Ng Bonto, sa tagumpay na ito. Patuloy ang pagbibigay ng suporta ng lokal na pamahalaan sa inyo upang mas maibigay natin ang mga pangangailangan ng mga mamamayan na nagbabago-buhay,” dagdag ng alkalde.

Mahigpit na nakipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa QC Male Dormitory para maibigay ang mga pangangailangan ng kanilang institusyon, kabilang ang mga programang pangkabuhayan at pangkalusugan.

Kaugnay nito kinilala rin ang Quezon City Jail Ligtas COVID Center at Quarantine Facility ng BJMP-QC bilang Best Quarantine Facility sa NCR.

“Lubos na nagpapasalamat ang Quezon City Jail Male Dormitory at ang buong pamunuan ng BJMP-NCR sa pangunguna ni Regional Director JCSupt Luisito C. Muñoz sa suporta ng ating butihing Mayor Joy Belmonte sa capability developments, programs, and projects na patuloy na ipinagkakaloob para sa ating mga PDL at jail personnel. Makakaasa po kayo lalo na sa pagbubutihin ng QCJMD ang paglilingkod at serbisyo publiko sa mga QCitizens sa ilalim ng aming pangangalaga,” sinabi ni JSupt. Bonto.

Noong Mayo, pinuri ng lungsod si Bonto sa pagpapatupad ng Operation Greyhound kung saan natuklasan ang mga kontrabando tulad ng mga bladed na armas, pera at droga na nakatago sa loob ng mga dingding at sahig ng kulungan at pagkatapos ay kinumpiska. Santi Celario