QC pasisiglahin ang larong soccer sa lungsod

QC pasisiglahin ang larong soccer sa lungsod

August 4, 2018 @ 3:22 PM 5 years ago


Quezon City – Bibigyan prioridad at pasisiglahin ng Quezon City government ang larong soccer upang makapagsanay ng mga kabataan na makapagpamalas ng galing sa naturang laro para makapagkumpitensya sa mundo.

Ayon kay Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte matagal na panahon na hindi nabibigyan ng prioridad ang larong soccer sa lungsod kaya naman maliit na porsyento ng mga manlalaro nito ang nadedevelop ng lungsod.

Tiniyak ni Belmonte na bibigyan prioridad ng pamahalaang lungsod ang larong soccer sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tulong upang makapagsanay ang mga kabataan sa paglalaro ng soccer at siniguro na sa Quezon City magmumula ang mga susunod na manlalaro ng Pilipinas sa larong soccer sa buong mundo paniniguro pa nito.

Sinabi ni Belmonte na hindi nabibigyan ng prioridad ang larong soccer sa bansa pero mangunguna na ang QC at ang Valenzuela sa pagkakaloob ng tulong upang makapag sanay ang mga kabataan sa paglalaro ng soccer at tuloy dito magmumula ang mga manlalaro ng Pilipinas sa soccer sa buong mundo.

Sa isang press conference kaninang umaga Agosto 4, 2018 (Sabado) sa Quezon City Library tiniyak ni Belmonte hindi lamang tulong materyal ang ipagkakaloob ng QC government sa mga kabataan na manlalaro ng soccer sa lungsod kundi magbibigay din sila ng financial assistance sa mga manlalaro nito.

“Dahil wala kaming facilities sa QC naglaan po ang Sangguniang Panlunsod ng P800 milyon para sa Bautista Sports Arena na itatayo sa aayusing Amoranto Complex at inaasahan ko po na dito ay magkakaroon na ng football area para sa ating mga manlalaro” dagdag ni Belmonte.

Sa kanyang panig, sinabi ni Mr. Dan Palami, manager ng team Askals na siya ay umaasa na sa mga darating na panahon ay hindi na dedepende ang grupo sa pagkuha ng mga player sa abroad bagkus ay dedepende na siya sa mga Pilipinong maglalaro ng soccer dahil sa pagpo-produce ng mga player na buhat sa ating bansa.

Samantala, kaugnay nito magkasama na ngayon ang QC at Valenzuela local government sa paghanap at pagsasanay ng mga kabataan na magpapamalas ng galing sa larong soccer upang makipagkompetisyon sa mundo at mapagkuhanan ng bansa ng sariling mga player para sa larong soccer. (Santi Celario)