QC, Valenzuela may panuntunan sa pagpapaputok

QC, Valenzuela may panuntunan sa pagpapaputok

December 27, 2022 @ 7:26 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naglabas na ng panuntunan ang ilang local government units (LGUs) katulad ng Quezon City at Valenzuela kaugnay ng paggamit at pagbebenta ng mga fireworks at firecrackers sa bisperas ng Bagong Taon.

Sa QC, nilimitahan ng LGU ang pagbebenta ng mga paputok sa mga shopping malls upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamimili.

“Dapat within the confines of big malls natin. Doon lang sila pwede mag-tinda and kailangan ng permit galing sa office ko para payagan sila magtinda,” ayon kay QC Department of Public Order and Safety Head General Elmo San Diego.

Ipinagbabawal naman ng lungsod ayon kay San Diego, ang paggamit ng mga paputok sa mga bahay at tanging sa designated firecracker zones lamang papayagan ang mga ito.

“Aggressive ang patrol operations ng Quezon City Police District natin. Kahit mahirap, gagawin natin ‘yan. Kung kailangan natin manghuli, manghuhuli tayo,” aniya.

“I-donate na lang nila doon sa mga designated firecracker zones natin kasi individually, di na kami papayag na ‘yung household magpapaputok,” dagdag pa niya.

Samantala, binawi naman ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang pagbabawal sa paggamit ng firecrackers dahil sa bagong pasang ordinansa na pinapayagan na ang paggamit at pagbebenta ng firecrackers, fireworks, at iba pang legal na pyrotechnic devices.

Sa kabila nito, nilinaw naman ng LGU na dapat ay sumusunod pa rin ito sa kautusan ng pamahalaan kaugnay sa paggamit ng paputok at pailaw.

Nanindigan naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG), na ang mga polisiya na ipinatutupad ng mga LGU ay dapat na angkop sa implementing rules and regulations ng Fire code of the Philippines and Republic Act (RA) No. 7183.

“So, kung hindi kayo makakapag-abide with those guidelines… eh manood na lang po tayo ng fireworks display na for sure ang mga LGU ay magpapalabas,” ani DILG Undersecretary Marge Gutierrez. RNT/JGC