CARCAR CITY, CEBU AT SAN VICENTE, ILOCOS SUR KINILALA BILANG HERITAGE ZONE

CARCAR CITY, CEBU AT SAN VICENTE, ILOCOS SUR KINILALA BILANG HERITAGE ZONE

January 21, 2022 @ 5:47 PM 8 months ago


BINABATI natin ang mga kababayan natin sa Carcar City sa lalawigan ng Cebu at sa San Vicente, Ilocos Sur dahil sa deklarasyon sa mga ito bilang mga Heritage Zone.

 

Nilagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act No. 11644 na kumikilala sa Carcar city bilang Heritage Zone at inaatasan ang  ang Department of Tourism na gumawa at siyang manguna sa implementasyon ng isang Development Startegy para higit na mapangalagaan ang cultural and historical sites and structures ng lungsod.

 

Ang Carcar City ay isang 5th component city na binubuo ng labinglimang barangay. Isa ito sa mga matandang munisipyo sa bansa na naitatag noong taong 1599 at naging ganap na lungsod noon lamang taong 2015.

 

Nilagdaan din ni Pangulong Duterte ang R.A. No. 11645 na pagkakaroon ng Heritage Zone sa San Vicente, Ilocos Sur.

 

Kapag tuluyan nang nawala ang COVID-19, masarap pasyalan ang Carcar City at ang San Vicente. 

 

Isa na namang karagdagang karangalan para sa Pilipinas dahil nito lamang December 2021 ay kinilala ng UNESCO o United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ang 28 Schools of Living Traditions sa buong bansa bilang “Register of Good Safeguarding Practices” para mapangalagaan ang Filipino indigenous traditions.

 

Isa itong programa na ginaganap sa komunidad ng mga katutubo kung saan ang isang Manlilikha ng Bayan o isang culture bearer ay itinuturo sa mga mas nakababatang kasama sa komunidad o pangkat etniko ang isang tradisyunal na sining. Layon nito ang pagpapatuloy ng nakagisnang kalinangan. Pinangungunahan ito ng NCCA o ng National Commission for Culture and the Arts.

 

Ang Schools of Living Traditions ang ikalimang mahalagang bahagi ng ating kalinangan na inilista ng UNESCO sa Lists of Intangible Cultural Heritage, kabilang ang “Hudhud chant” ng mga Ifugao, Darangen epic ng mga Maranao, ang “Punnuk” o tugging ritual ng mga Ifugao at ang “Buklog” na isang ritwal pasasalamat ng mga Subanen.   

 

Napakarami nating dapat na ikarangal bilang mga Pilipino.