QCPD-DIDU, PIO nakipag-ugnayan sa QCPD Press Corps para sa seguridad

QCPD-DIDU, PIO nakipag-ugnayan sa QCPD Press Corps para sa seguridad

October 6, 2022 @ 7:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagtungo sa opisina ng QCPD Press Corps ang Quezon City Police District (QCPD) District Intelligence Division (DID) at Public Information Office (PIO) para makipag-dayalogo sa mga mamamahayag para pag-usapan ang kanilang seguridad.

Ito ang siyang pinag-utos ni QCPD PBGEN Nicolas Torre III sa hepe ng DID na si PLTCOL Christine Tabdi gayundin sa PIO na pinamumunuan ni PMAJOR Rohaina Asalan matapos na mangyari ang pamamaslang sa batikan na broadcaster na si Percival Mabasa na mas kilala na Percy Lapid.

Kasama ni Tabdi ang kanyang Deputy Chief na si PMAJOR Jun Fortunato kabilang na ang Deputy PIO chief PLT Johanna Lavarias nang makipag-pulong sa mga opisyales at miyembro ng QCPD Press Corps.

Sa nasabing pag-uusap inalam ni Tabdi kung sino-sino ang nakakatanggap ng mga death threat sa hanay ng mga mamamahayag sa Quezon City para sila ay makapagsagawa ng threat assesement at agaran na mabigyan ng security ang sinumang mga media na may banta sa buhay.

Magugunita na tinambangan ng riding-in-tandem si Lapid nitong Lunes ng gabi  sa Las Piñas habang nakasakay sa kanyang sasakyan at patungo sana sa kanyang studio.

Nagbigay ng hotline number ang DID na siyang agaran matatawagan ng media sakaling nasa peligro ang kanilang buhay.

“Ito ang naging kautusan po sa amin ng District Director na tiyakin na ligtas sa anumang panganib ang mga mamahayag sa lungsod na ito, hinihikayat ko po ang media na may death threat na agad na makipag-ugnayan sa aming opisina o tumawag sa aming hotline number na 09175017066,” sabi ni Tabdi.

Nagpasalamat naman si QCPD Press Corps president Almar Danguilan kabilang na ang mga opisyales at miyembro nito sa kapulisan sa kanilang concern para matiyak ang kaligtasan ng media sa lungsod. Jan Sinocruz