QCPD personnel, 2 pa tiklo sa Tuguegarao buy-bust

QCPD personnel, 2 pa tiklo sa Tuguegarao buy-bust

August 30, 2022 @ 6:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nadakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang pulis kabilang na ang dalawang kasama nito matapos ang isinagawang buy-bust operation kahapon sa Tuguegarao City.

Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang mga naaresto na sina Police Corporal Gomer Dacnas, 30-anyos, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Police Station 12, residente ng Brgy. Bulanao Norte, Tabuk City, Kalinga; Joseph Ganab, 31, binata, magsasaka at residente ng Brgy. Calaocan, Rizal, Kalinga at Jenwin Mencero y Dulan, 30 taong gulang, binata, nakatira sa Brgy. Bulanao Norte, Tabuk City

Base sa ulat, dakong ala-1:15 ng hapon (August 29) nang isagawa ang drug operation sa Zone 4, Agusan Extension, Brgy. Carig Sur, Tuguegarao City, Cagayan.

Isang ahente ng PDEA ang bumili ng shabu at nang magkaabutan ay dito na dinakma ang mga suspek.

Nakumpiska mula sa tatlo ang dalawang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000, apat na pirasong cellphone, isang itim na Mitsubishi Estrada, iba’t-ibang drug paraphernalia gayundin ang buy-bust money.

Nakapiit na ang mga suspek at nahabarap sa kasong paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Samantala sinabi ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III na si Dacnas ay dating nakatalaga sa Police Station 12 subalit nailipat na ito sa NCRPO Regional Police Holding Assistance Service noong May 30 2022.

Ayon kay Torre tinanggal sa kanyang tungkulin si Dacnas matapos na mag AWOL noong 2021. Jan Sinocruz