QUARANTINE SA BALIKBAYAN, YELLOW TOURISTS IBASURA NA

QUARANTINE SA BALIKBAYAN, YELLOW TOURISTS IBASURA NA

November 25, 2021 @ 5:39 PM 3 days ago


BUKSAN na dapat ngayong Kapaskuhan ang industriya ng turismo at alisin na ang quarantine para sa mga fully-vaccinated na biyahero na dumarating sa Pilipinas.

Ang turismo ay industriyang magsisilbi na isa sa key drivers in our post-Covid pandemic economic recovery.

Sana gamitin ng Presidential Inter-Agency Task Force ang “sentido komon” o common sense at alisin na nga ‘yang punyemas na quarantine sa mga turistang manggagaling sa “Green and Yellow” countries.

Ang mga bansang nabibilang sa Green ay may “low-risk” at ang mga nasa Yellow naman ang “moderate risk” na hawaan ng Covid-19.

Maituturing ang Pilipinas na nasa Yellow list kaya da­pat lang na luwagan na rin ang mga nanggagaling sa Yellow listed na ibang bansa tulad ng United States na pinagmumulan ng maraming balikbayan.

Wala nang quarantine sa kondisyon lang na kumpleto ang bakuna ng bawat papasok sa Pilipinas at mayroon itong negative result on Covid test taken within three days prior to their arrival in the country.

Applicable ‘yan dapat sa returning overseas Filipino workers, balikbayan at mga banyagang turista.

Isipin na lamang ang mga may edad nang balikbayan na kumpleto sa bakuna sa Amerika at gustong makapiling ang kanilang kapamilya sa Pilipinas nang isa o dalawang linggo ngayong Kapaskuhan.

Masyado namang pahirap na oobligahin pa silang mag-quarantine nang tatlo o limang araw bago pa makatuloy sa kani-kanilang lalawigan.

Nagmumukha nang raket ‘yan noon pa. Sadyang ibini­bitin ang RT-PCR tests ng mga OFW para magtagal sa mga quarantine hotel.

Ang quarantine at onsite swab test ay dapat lamang ipatupad sa mga Pilipino na walang bakuna ngunit di pwedeng tanggihan ang pagpasok bilang mamamayan.

Dapat linawin din sa mga airlines na hindi nagpapapasok ng foreign tourists na hindi bakunado.