Quarrying sa Botolan kinalampag ng cause-oriented group 

Quarrying sa Botolan kinalampag ng cause-oriented group 

February 17, 2023 @ 2:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – KINALAMPAG at pinatitigil ng isang grupo ng cause-oriented group sa Department of Environment and Natural Resources ang malawakang quarrying sa Bucao River sa bayan ng Botolan sa Zambales dahil umano sa pagkasira ng kalikasan ng naturang ilog.

Ayon sa grupong Anti Trapo Movement of the Philippines (ATM), inirereklamo ng nila ang China Harbor Engineering Corp., Global Sand Inc., Seven West Inc., Magna Corp Realty Development Corp at Harley Construction sa DENR dahil umano sa pagkapinsala ng kalikasan sa lugar.

Sinabi ni Leon Peralta, founding Chairman ng ATM, malaki na ang nasira sa kalikasan ng Botolan dahil sa ginagawang quarrying sa naturang ilog.

Kaugnay nito inakusahan din ni Peralta ang mga nabanggit na mga kompanya na gumagamit umano ng 3 in 1 dredging equipment na halos kahalintulad ng ginawang reclamation ng China sa West Philippine Sea.

Sinabi pa sa kanilang reklamo sa DENR lumampas na rin umano ang mga ito sa itinakda na exclusive river dredging zone kung kayat napipilitan ang ilang residente doon tiisin ang pamiminsala.

Nabatid pa sa limang kompanya na gumagawa ng quarrying sa Botolan, dalawa lamang daw sa mga ito ang accredited ng DENR.

Kaugnay nito may mga residente na rin daw ng naturang bayan ang nagtungo sa DENR, DPWH at mga tanggapan nina Gov. Hermogenes Ebdane at Botolan Mayor Doris Maniquiz-Jeresano para ipawalang bisa ang Environmental Compliance Certificate ng mga quarrying companies subalit hindi naman daw sila pinansin ng mga ito.

Sa ngayon, nakakaranas na umano ang mga residente doon ng pagtaas ng sea water level na umaabot ng 10 hanggang 12 metro habang nagiging maalat na rin ang kanilang tubig inumin.

Kaugnay nito hiniling na rin ng naturang grupo sa DILG, Ombudsman, NBI at Philippine Coast Guard para imbestigahan ang illegal quarrying sa Zambales. Santi Celario