Queen Elizabeth II namatay sa katandaan

Queen Elizabeth II namatay sa katandaan

September 30, 2022 @ 12:04 PM 2 months ago


BRITAIN – Katandaan ang ikinamatay ni Queen Elizabeth II, base sa inilabas na death certificate.

Nakasaad din dito na bandang 3:10 p.m. (1410 GMT, 10:10 p.m. oras ng Pilipinas) ang oras ng pagkasawi ng reyna.

Ito ay tatlong oras na mas maaga bago ipahayag sa buong mundo ang pagpanaw ng 96-taong-gulang na monarkiya sa Balmoral Castle estate sa Scottish Highlands.

Si Elizabeth ang pinakamatagal na naglilingkod na monarkiya sa kasaysayan ng Britanya at namuno bilang pinuno ng estado sa loob ng 70 taon mula 1952.

Ang sertipiko na inilabas ng National Records of Scotland noong Huwebes ay nagpapakita na ang kanyang kamatayan ay nairehistro noong Setyembre 16 ng nag-iisang anak na babae ng reyna, si Princess Anne.

Nakasaad sa sertipiko ang lugar ng kamatayan ng reyna bilang “Balmoral Castle”; ang kanyang “karaniwang paninirahan” bilang Windsor Castle; ang pangalan ng kanyang yumaong asawa na si Prince Philip, Duke ng Edinburgh; at ang buong pangalan ng kanyang ama, si King George VI, at ng kanyang ina na si Queen Elizabeth.

Sa ilalim ng seksyong may markang “occupation,” ito ay nagsasabing: “Her Majesty The Queen.”

Kung namatay ang reyna sa Inglatera, hindi na kailangang irehistro ang kanyang kamatayan, dahil ang batas ay nalalapat lamang sa mga nasasakupan ng soberanya. RNT